May paniniwala sina Lacson at FPJ na kung magsasanib sila ng puwersa ay maari nilang mapataob si GMA kahit hawak pa nito ang makinarya at biyurukrasya ng pamahalaan. Subalit, ang pag-uusap ng dalawa ay ilang ulit nang hindi matuluy-tuloy na para bagang may bumabalakid. May mga nagsasabi na mahirap ngang magkasundo sina Poe at Ping sapagkat parehong gustong mag-presidente.
Ayon sa mga eksperto sa pulitika, walang makakatalo kay GMA kung hindi magsasanib ang oposisyon lalo na sina FPJ at Lacson. Subalit, sa oras na ito na dalawang linggo na lamang ay botohan na ay wala pa kaming nakikitang pagkakaisa ng mga presidentiables maliban sa nababalitang maaaring pagsasanib nina Raul Roco at Bro Eddie Villanueva. Pero, kahit na matuloy ito, wala pa ring kasiguruhan na magiging matagumpay ang pagsasamang ito.
Lumiliwanag ang paglamang ni GMA. Ginagamit na ng kampo nito ang bandwagon effect. Ang estratehiyang nagpapakita na parami na nang parami ang sumasanib na mga dating kalaban kay Arroyo habang nagkakawatak-watak at hindi nagkakaunawaan ang mga taga-Oposisyon. Kapag hindi nagkaisa ang Oposisyon tapos na ang boksing. Puwede na uling gumawa ng pelikula sina FPJ at balik-senado na naman si Ping.