Walang tigil ang kaguluhan sa Iraq at patuloy ang pakikibakbakan sa puwersa ng Amerikano roon. Marami na ang namamatay. Bagamat hindi mga terorista kundi mga tagasunod ng bumagsak na si Saddam Hussein ang sumasalakay hindi maiaalis na maghatid ng takot sapagkat may mga overseas Filipino workers (OFWs) doon.
May katwiran ang US na pagsabihan ang Pilipinas na huwag magrelaks sa mga "uhaw sa dugo". Ang pagpapaalala ng US ay nangyari ilang araw bago makatakas sa Basilan jail ang maraming bilanggo na kinabibilangan ng mga teroristang Abu Sayyaf. Masyadong naging relaks ang mga jailguard sa Basilan kung kaya nakatakas ang mga bilanggo. Nakapagpasok ng baril sa loob. May mga nahuli na sa mga tumakas pero patuloy din namang nakalalaya ang iba pa.
Natauhan ang gobyerno sa paalala ng US. Nagsagawa ng dobleng paghihigpit ang awtoridad. Ipinakalat ang mga sundalo at pulis para mapigilan ang napabalitang pagsalakay ng mga terorista. Sa Mindanao ay naka-alerto ang awtoridad dahil sa posibleng pagsalakay ng mga teroristang Abu Sayyaf sa mga simbahan at shopping malls.
Ang banta ng mga terorista ay pumutok sa panahon na abala ang mga kandidato sa nalalapit na May 10 elections. Labing-apat na araw na lamang at election at nakadaragdag ang banta ng terorismo sa nangyayari namang mga karahasan na kagagawan ng mga New Peoples Army dahil sa ginagawang pangongotong sa mga kandidato.
Hindi namamatay ang banta ng terorismo. At totoo man o hindi ang bantang pagsalakay ng RYOO sa bansa, hindi naman dapat magrelaks ang awtoridad. Patuloy na maging alerto upang hindi na maging biktima gaya ng nakaraan.