Thanks to PAGCOR Chairman Genuino

GUSTO kong pasalamatan si PAGCOR Chairman Efraim Genuino sa maagap na aksyon sa naisulat nating aroganteng superbisor sa Casino Filipino sa Parañaque base sa reklamo ng isang kakilala na regular slot machine player doon. Pinasasalamatan ko rin ang mga kaibigan nating top executives sa PAGCOR na sina Dodie King at Gryk Ortaleza na kapwa maagap na umaksyon para madisiplina ang bisor na si Antonio Lopez na kung tratuhin ang mga players ay parang hampaslupa at busabos.

Bilang background, dumulog sa akin ang kakilala ko dahil sa nabastos siya sa inasal ng bisor. Tahasang ni-reject ng bisor ang kanyang order na pagkain porke hindi raw siya nakitang nakaupo sa slot machine. This guy didn’t even take time to approach my friend para kumpirmahin kung talagang may warm body na umoorder.

Binigyang daan natin ang reklamo last week without prejudice to PAGCOR na madalas nating dulugan kapag may mga maralitang nangangailangan ng medical assistance. Ibig lang nating maituwid ang ilang maling nangyayari.

Ayon kay Mr. Ortaleza na personal na tumawag sa’kin, labis na nabahala si Chairman sa ginawa ng bisor na ito na ang ipinangangalandakan ay patakaran ng Casino na huwag bigyan ng pagkain ang sino mang umoorder pero hindi naman nakaupo sa gambling table o sa slot machine. Sumusunod lang daw sa utos ng nakatataas. Natural, si Chairman ang direktang tinatamaan sa ganyang aroganteng pahayag ng bisor na ito.

Gaya nang naisulat ko na, maraming dayuhan ang naglalaro diyan at nasisira ang imahe ng Pilipinas sa ganyang pagtrato ng taong ito. Ang casino ay tourist facility at ang mga naglilingkod diyan ay dapat kakitaan ng paggalang at magandang pag-uugali sa mga customers. Ang ganyang gawi ni Mr. Lopez ay paglapastangan sa PAGCOR na isang importanteng ahensiya ng pamahalaan na maraming itinataguyod na civic at social projects. Umaasa tayo sa ipatutupad na disciplinary action laban sa bisor na ito para huwag siyang pamarisan ng iba.

Show comments