At iyan mismo ang ginawa sa atin ni Manila Vice Mayor Danny Lacuna. Inihabla tayo ng libelo kasama ang ilang pahayagan. Itoy tungkol sa panawagan ni Engr. Ramon Flores ng isang government watchdog group na dapat isailalim ang bise alkalde sa lifestyle check. Ang batayan ni Flores ay ang "marangyang mansyon" ni Lacuna sa Sta. Mesa at ang kanyang diumanoy luxury cars na hindi makakayanang bilhin sa suweldo ng isang bise alkalde.
Dahil sa ulat na ito, nag-imbita pa si Lacuna ng mga reporters upang ipakita ang kanyang sinasabing marangyang mansion sa Sta. Mesa at ang mga sinasabing de luhong sasakyang pag-aari niya. Gusto niyang patunayan na hindi marangya ang kanyang bahay at hindi de luho ang kanyang sasakyan gaya nang ipinaparatang sa kanya. Inilathala rin natin ang panig niya. Sumunod na dagok kay Lacuna ang reklamo ng ilan niyang kapitbahay hinggil sa isang KTV-bar na nag-ooperate sa harap mismo ng kanyang kontrobersyal na bahay. Hindi raw matinag-tinag ang KTV-bar porke si Lacuna mismo ang may ari nito. Inirereklamo pa na sa loob ng bar ay may nagaganap na pagsusugal.
Kung hindi kay Lacuna ang KTV-bar na kinukuwestyon, bakit pinababayaan itong mag-operate sa harap mismo ng kanyang bahay at sa kabila ng reklamo ng mga taumbayan? Iyan ang isa pang dapat ipaliwanag ni Vice Mayor.