Ang ultimong kalayaan ni Jesus

ANG ikapitong kabanata ng Ebanghelyo ni Juan ay tumatalakay sa balak ni Jesus na magpunta sa Jerusalem o di-kaya’y manatili sa Galilea.

Ang pagkakabigay ng Ebanghelyo para sa pagbasa sa araw na ito ay nahahati sa tatlong pangkat ng mga talata. Narito ang mga iyon (Jn. 7:1-2, 10, 25-30).

Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang Galilea; iniwasan niya ang Judea, sapagkat ibig siyang patayin ng mga Judio roon. Nalalapit na ang Pista ng mga Tolda, isang pista ng mga Judio.


Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ma’y pumunta rin sa pista, ngunit hindi hayagan.

Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, "Hindi ba ito ang taong gusto nilang patayin? Hayan! Lantaran siyang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya. Baka naman nakilala ng mga pinuno na siya nga ang Mesias! Walang makaaalam kung saan magmumula ang Mesias pagparito niya, ngunit alam natin kung saan nagmula ang taong ito."

Kaya’t nang nasa templo si Jesus at nagtuturo, malakas niyang sinabi, "Ako ba’y nakikilala ninyo? Alam ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito sa ganang akin lamang. Ang Totoo ang siyang nagsugo sa akin, ngunit hindi ninyo siya nakikilala. Nakikilala ko siya, sapagkat ako’y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin." Tinangka nilang dakpin siya; ngunit walang nangahas, sapagkat hindi pa niya oras.

Sinasabi sa atin na nagpasya si Jesus na manatili sa Galilea. Subalit nang nagpunta ang mga alagad sa Jerusalem, palihim na umakyat si Jesus patungo rin sa Jerusalem. Nagpahayag siya sa Templo. Namangha sa kanya ang mga tao. Sinabi nila sa kanya na dapat siya ay nagtatago. Subalit dito, kumilos si Jesus nang may ganap na kalayaan.

Sa pangwakas na talata, sinasabi sa atin na walang sinumang nangahas na saktan si Jesus sapagkat ang kanyang oras ay di pa dumarating.Tunay nga, walang sinumang makapagdidikta kung kailan mamamatay si Jesus. Kanyang sariling kapasiyahan iyon kung kailan niya dapat ialay ang kanyang buhay. Ito ang ultimong kalayaan ni Jesus.

Tularan natin si Jesus. Ating ialay ang sarili nating buhay sa kanya. Hilingin natin kay Jesus na pagpasyahan ang ating oras at ating kamatayan. Ibalik natin ang ating buhay sa Ama, kapag hiniling niya na bawiin na ito sa atin.

Show comments