Naabutan ko pa ang panahon na usung-uso ang kasabihan na kung galit ka raw sa isang tao, hikayatin mo ito na pumasok sa pulitika. Noon ay hindi gawang biro ang magsilbi sa gobyerno nang dahil sa sakripisyong malaki. Hanggang leeg ang responsibilidad at malawak ang obligasyon sa mamamayan subalit maliit lamang ang sinasahod kung ikukumpara sa mga pribadong posisyon lalo na sa mga may pinag-aralan at karanasan. Sabagay, ang kapalit at ang natatamo naman ng mga nagsisilbi sa bayan noon ay ang respeto, utang na loob at paghanga ng mga mamamayan.
Ngayon, kahit na sino, may pinag-aralan o dropout, may karanasan o wala, sikat o estranghero, pusakal o maka-Diyos ay gustong pumasok sa pulitika. Wala silang pakialam kung sila ay may karapatan o may kuwalipikasyon upang humawak ng tungkuling kanilang tinatakbuhan. Wala na ngayong tinatawag na delicadeza.
Kung ganoon, bakit nga ba sobra ngayon ang pangangati ng mga Pinoy na pumasok sa pulitika kahit na marumi ito. Ganid sa kapangyarihan at pangungurakot sa kaban ng bayan, ang mabilis at walang kagatul-gatol na sagot ng mga kababayan natin. Kaya nga marahil gagastos ang ating mga pulitiko ng milyun-milyon o bilyun-bilyon. Kapag nanalo, malaki ang buwelta. Kahit na talo na, panalo pa rin sa kitaan sapagkat itinago na ang ibang donasyon sa kampanya. Ang iba naman, ginagawa nang negosyo ang pulitika.
Naniniwala kami na alam ng mamamayan na ganito ang kalakaran ng pulitika sa ating bayan. Eh, maliwanag naman, di po ba? Saan ba nanggagaling ang salaping nilalaspag ng mga pulitiko? Inutang, kontribusyon, regalo o anuman. Pare-pareho rin ito. Dapat ibalik ito sa ibat ibang paraan, in kind or in cash. Hindi kikitain ang salaping ginastos kung sa suweldo lamang ng isang senador, congressman o kahit na ng isang presidente. One plus one equals two. Hindi maibabalik kung magkano man ang ginastos ng isang pulitiko KUNG HINDI MANGUNGURAKOT! Maliwanag, di po ba? Huwag nang magpaloko pa sa mga pulitiko. Alam na ninyo ang gagawin.