Ang pangyayari sa Madrid ay nagpapaalala naman sa nangyari noong Dec. 30, 2000 nang limang sunud-sunod na pambobomba ang naganap sa Metro Manila. Mahigit ding 100 ang namatay at marami ang nasugatan na karamihan ay mga walang malay na bata. Hindi na nakapag-celebrate ng Bagong Taon ang mga naging biktima sapagkat pinutol ng mga terorista. Isa sa mga nagplano ng pambobomba ay ang napatay na Indonesian terrorist na si Fathur Rohman Al-Ghozi. Si Al-Ghozi ang gumawa ng mga bombang sumabog. Ganoon pa man, kulang pa ang buhay ni Al-Ghozi sa ginawa niyang ka-terorismohan sa mga inosenteng sibilyan.
Hindi rin naman malilimutan ang pambobomba sa Davao International Airport at Sasa wharf noong nakaraang taon na pumatay din ng mga inosenteng sibilyan. Hanggang ngayon marami pa rin ang hindi nakakakamit ng hustisya sa nangyaring pambobomba.
Paigtingin ang seguridad dahil sa mga nagaganap na karahasan. Dahil sa pagiging abala ng pamahalaan sa nalalapit na election, maaaring samantalahin ng mga terorista ang pagkakataon at maghasik na naman ng lagim. Nagiging maluwag na naman ang mga sekyu sa Light Rail Transit at hindi na nagiging istrikto. Nawala na ang mga pulis sa bawat train at wala na rin ang mga K9 sniffing dogs na datiy nakakalat sa bawat stations. Ningas-kugon na naman ba?
Ang pagsulpot ng Abu Sayyaf kamakailan at inamin ang pagbomba sa SuperFerry 14 ay hindi dapat ipagwalambahala lalo pa at pinatutunayan ng skipper ng nasabing barko na nakaamoy siya ng pulbura makaraan ang pagsabog. Nasunog ang SuperFerry noong February 27 sa may Corregidor habang patungo sa Cagayan de Oro at 27 katao ang namatay at 92 pa ang nawawala.
Mahigpit na seguridad ang dapat na pairalin sa lahat ng oras at hindi kung kailan may naganap nang pagsabog at marami na ang namatay.