Sari-saring pakutyang tanong ang ibinato kay Bro. Eddie ng mga texters at phone callers pero hindi siya kinakitaan ng pagkapikon. Bagkus, sinagot niya nang maayos ang mga tanong. Halimbawa: Paano mo aasahan ang suporta ng ibang malalaking sekta ng relihiyon? Ang sagot niya, wala silang alternatibo kundi suportahan ang isang programang nagtataguyod ng pagbabangon ng moralidad at katuwiran sa bansa. Kung hindi, sila ang mapapahiya dahil ang inaayawan nila ay isang programa ng katuwiran o righteousness. Isa pa, tinuran niya ang suportang hindi niya hiningi pero kusang ipinagkaloob ng isang malaking grupo ng mga Muslim na naghahangad din ng pagbabago at naniniwala sa plataporma ni Bro. Eddie. Binigyang diin ni Bro. Eddie na aktibo niyang itinataguyod ang kalayaan sa pagpili ng relihiyon kaya wala siyang nakikitang problema sa ibang pananampalataya. May nagtanong pa hinggil sa sinabi ng Biblia na "Ibigay kay Cesar ang nauukol sa kanya at sa Diyos ang nauukol sa Diyos." Ipinahihiwatig na ang naglilingkod sa simbahan ay hindi dapat maglingkod sa pamahalaan.
Nilinaw ni Bro. Eddie na ang talata sa Biblia ay may kinalaman sa pagbabayad ng buwis at hindi sa paglilingkod. Bakit aniya pagkakaitan ng pagkakataon ang mga taong matuwid at naglilingkod sa Diyos na magsilbi rin sa pamahalaan alang-alang sa ikatitino ng ating bansa? At tama ang katuwiran ni Bro. Eddie. Kung ang mga nasa itaas ay tiwali at bagsak ang moralidad, aagos ang katiwaliang iyan sa mga nasa ibaba. Iyan ang nangyayari sa ating sistema ngayon. Sa klase ng mga kumakandidato sa pagka-pangulo ngayon, na ang mga record ay lantad naman sa atin, bakit hindi natin subukan si Bro. Eddie? Walang mai-aakusang katiwalian sa kanya.
Kahit milyun-milyon ang kanyang mga miyembro sa Jesus is Lord Church, hanggang ngayoy nakatira siya sa tirahan ng mga pastor at ang kaisa-isang lupang minana niya sa magulang ay idinonasyon pa niya sa simbahan.