Makalipas ang isang taon nung Peb. 18, 1946, mapait ang gantimpala ng Amerika. Pinasa ng US Congress ang Rescission Act. Hindi na kikilalanin ang serbisyo sa USAFFE (United States Army Forces in the Far East) nilang pagsilbi sa US Armed Forces. Tinalikuran ang pinangakong benepisyo sa mga Pilipinong gerilya at beterano.
Bilang paggunita sa ika-59 na anibersaryo ng Los Baños raid, pinalabas ng History Channel sa US ang docu-series na Rescue at Dawn mula Peb. 15. Apat na sundalo at isang bihag ang nagsalaysay ng kagila-gilalas na kabanata ng kasaysayan. Sabi pa ni US State Sec. Colin Powell, wala nang dadaig pa sa kagitingan nga ng mga kasapi sa misyon.
Nung ika-58 anibersaryo nung nakaraang buwan, 75 Pilipinong beterano ay tumungo sa US Federal Building sa San Francisco, California. Hiningi nila ang pagpasa ng Filipino Veterans Equity Bill bilang pagbura sa Rescission Act. Anang uugud-ugod na Regino Pascua sa kanyang mga kapatid sa digmaan habang itinataas ang kandila sa malamig na gabi, "ito na ang ating huling laban."
Mahigit 300,000 Pilipino ang nakidigma sa bandera ng USAFFE. Lumaban silang kasing-galing, kasing-hirap, kasing-sigasig ng mga Amerikano. Halos 29,000 na lang ang natitira, 8,000 ang nasa Amerika, puro edad-70 at 80. Kung bawiin ng US ang Rescission Act, pormal nang kikilalanin ang kanilang kagitingan. Magagantimpalaan sila tulad ng benepisyo ng regular na sundalong Amerikano.
Bahagi sila ng kasaysayan. Sila ang ating mga ama at lolo.