Public bidding daw ito kaya marami rin ang sumaling mga suppliers. Mahigit sa isang dosenang suppliers ang nagsumite ng mga requirements, quotations para sa kani-kanilang mga equipment sa paniniwala na ayos ang lahat at patas ang laban.
Nakatanggap po ang inyong lingkod ng impormasyon mula sa isang reliable source, isang insider na ating pro-protektahan na nadisqualify daw lahat ng mga sumali sa bidding maliban lamang sa isang supplier. Ang Transoverseas Systems na distributor ng Pro-tech Gas Analyzer at Opacimeter.
Lahat daw ay hindi naka-meet ng requirement kung saan dapat daw mga original at hindi certified true copies ang kanilang ibinigay.
Ang bidding ay dapat pinamahalaan ng Department of Transportation and Communication, DOTC, at ito ang dahilan na tinatawagan ko ng pansin si DOTC Secretary Larry Mendoza, upang aksyonan ito.
Ayon na rin sa aking source, may ayusan na nangyari sa bidding na ito.
Negotiated na raw itong kontratang ito para paboran ang isang supplier.
Gaano katotoo ito, tanong ko sa mga miembro ng Bidding Committee na sina Atty. Flordeliza Reyes, Lydia Malvar, Jon-jon Lagman at ang Chairman na si Arnel Manresa?
Hindi pa nga lumalabas ang resolution at binibigyan ng kopya ang mga nagsisumite ng kanilang bid, ginagawa na raw ang resolution (gawa na yata?) at ito ay pabor para sa TransOverseas Systems. Bakit, dahil sa isang technicality lamang.
December 11, 2003 ng naganap ang bidding. Habang sinusulat ko itong artikulong ito, February 24, 2004, wala pa ring resolution na ibinibigay sa mga nagsisali sa public bidding na ito (kuno?).
Napakababaw ng dahilan kung bakit hindi nakapag-meet ng requirements ang mga ibang bidders. Dapat, Chairman Manresa, nung una pa lamang, sinabi nyo na hindi pwede ang mga certified true copies.
Technicality ang lumalabas lang dito at hindi ang merits ng equipment na isina-submit para magsupply ng mga nabanggit ng Gas analyzer at Opacimeter.
Sec. Larry Mendoza, malakas ang pang-amoy ng mga nagsisali sa bidding na itoy isang "LUTONG MACAO." 30-MILLION PESOS worth of equipment ang pinag-uusapan sa pagkakataong ito. Pera ng taong bayan ang gagamitin pambili ng mga ito at hindi naman galing sa bulsa ng mga miembro ng Bidding Committee.
In the name of fair play, transparency and public interest, kung totoo nga ang mga ibinigay sa akin ng aking source, sa mga nangyari sa bidding na ito, in your capacity as Secretary of the DOTC, you have the power to declare a failure of bidding for these equipment.
Bagamat hindi pa lumalabas ang resolution, kalat na kalat na ang resulta ng bidding. Umaalingasaw ang baho ng isang "negotiated bid" kung totoo nga ito.
Ang aking tanggapan ay bukas para sa mga taong involved sa isyung ito. Ang Bidding Committee, ang TransOverseas Systems ay ina-anyayahan kong magbigay ng kanilang sagot sa mga paratang ng aming "very reliable source."
Sukang-suka na si Juan sa mga anomalya na nangyayari sa mga Government Agencies kung saan pera ng mga taxpayers ang ginagamit.
Lugmok na ang bayan natin sa kahirapan. Maganda ang mga layunin ng DOTC gaya ng Emission Testing, Drug Testing subalit sa implementasyon sumasabit at nagkakaroon ng milagro.
Kung talagang para sa interes ng nakararami ang pinag-uusapan sa Bidding na ito, dapat ikonsidera ni Sec. Larry Mendoza na ipaulit ang bidding at ang lahat ng sumali ay mabigyan ng pagkakataon na makapagbigay ng kanilang requirement.
PARA SA ANUMANG COMMENTS O REACTIONS, MAARI KAYONG MAG-TEXT SA 09179904918. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA "CALVENTO FILES" 7788442.
*NGAYONG ARAW NA ITO AY GINUGUNITA KO ANG DEATH ANNIVERSARY NG AKING AMA, SI ERNESTO CALVENTO. SIYA AY YUMAO SA EDAD NA 62-yrs.old. One never forgets the loss of a father. Thank you for everything. Prayers for him will be appreciated.