Bukod sa mga miyembro ng Jesus Is Lord, dumalo rin sa pagtitipon ang mga lider at miyembro ng ibat ibang sekta ng reliyon na katulad ng Genesis Church, Christ the King, Hope Church, The Philippines For Jesus Movement, The New Life Church at the Wind of Hope Church. May mga dumalo ring Muslims.
Siguro ay hindi hakot ang mga nagsipunta roon at hindi sila binayaran. Sa halip pa nga ay sila pa ang nagkokontribusyon ng P2. Naniniwala ako na taus-puso at hindi sila pinilit na makiisa sa mga panuntunan at sinasabing misyon ni Bro. Eddie na gumigising sa mamamayang Pilipino upang makaalpas sa mga nakagawian nang masasamang kaugalian ng pamumulitika.
Alam na nating hindi na tayo makahulagpos sa kinasasadlakang kalagayan dahil na rin sa ating kapabayaan at pagsasawalang-kibo. Pinayagan nating maging alila tayo ng mga pulitiko. Naging sugapa tayo sa tawag ng pulitika na kaagad ipagpapalit ang prinsipyo sa taginting ng salapi.
Didinggin kaya ang panawagan ni Bro. Eddie na maparami pa ang kasalukuyang dalawang milyong naniniwala sa kanya sa pamamagitan ng paghihikayat nang walang bayad? Kapag ganito ang nangyari, tapos na ang maliligayang araw ng mga demonyong pulitiko. Ayon kay Bro. Eddie, ang kabutihan ng Diyos ang maghahari sa ating bansa. Halleluya!