EDITORYAL - 'Pulis anay'

NANINIWALA kaming may mga mabubuti pang miyembro ng Philippine National Police (PNP) pero natitilamsikan ang kanilang uniporme ng putik na nilikha ng kanilang kasamahan. Nadadamay sila sa baho at nasasama sila sa pagguho. Ang mga pulis na nagpapaguho sa organisasyon ang dapat na durugin. Sila ang mga "pulis anay" na dapat ligisin.

Noong Huwebes, naging laman na naman ng mga diyaryo at nabalita sa radyo at TV ang police station sa Novaliches, Quezon City na ginawang beerhouse ng siyam na pulis doon. Hindi sana mabubulgar ang ginawa ng mga pulis kundi sa larawang lumabas sa isang broadsheet na nagsasayaw na kabataang babae sa harapan ng mga pulis. Nagtatanggal ng damit ang babae sa harap ng mga nagtatawanang pulis ng Station 4 na ang nakasasakop ay ang Central Police District.

May birthday diumano ang isa sa mga pulis na pawang naka-assign sa Drug Enforcement Unit ng Novaliches Police Station. Umano’y birthday ni PO2 Jose Usero noong January 24 kaya nag-imbita ng mga babae at pinagsayaw sa kanilang harapan. Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesman Bart Bustamante, ang mga retrato ay kinuha rin mismo ng mga pulis. May mga retrato pa umano na hinihipo ni PO2 Usero ang suso ng isa sa mga babae.

Agad na sinibak ang siyam na pulis. Bukod kay Usero, ang mga sinibak ay sina PO1s Edmund Paculdan, Emeterio Mendoza Jr., Oliver Estrelles at Michael Collado; PO2 Noel Magcalayo at PO3s Isagani Mateo at Jerry Villamar. Kasama rin nilang sinibak ang hepe ng Drug Enforcement Unit na si Supt. Nilo Wong. Sinabi ni NCRPO chief Deputy Director Ricardo de Leon na isasailalim din sa imbestigasyon si Station 4 commander Supt. Benedicto Lopez.

Maraming bugok na pulis at ang kawawa ay ang mga kasamahan nilang iniingatang marumihan ang uniporme. Maraming pulis ang nagpipilit ibalik ang tiwala ng mamamayan pero mas marami ang naghuhulog sa kanila sa putikan. Ang iba naman ay mistulang anay na nginangatngat ang kanilang organisasyon.

Hindi na kataka-taka na maraming krimeng nagaganap sa kasalukuyan sapagkat ang mga bugok na pulis na katulad ng siyam sa halip na bantayan at proteksiyunan ang mamamayan ay naroon at ginagalit ang kanilang mga ari habang tumutulo ang laway at takam na takam sa hubad na katawan.

May katwirang mawala ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis sapagkat marami sa kanila ang ganid sa laman. Ang ginawa ng NCRPO na pagsibak sa mga "pulis anay" ay isang magandang hakbang na tatanggapin ng mamamayan. Ganyan ang nararapat sa mga "pulis anay".

Show comments