Kahapon ay nagsimula na ang campaign period para sa mga national candidate, Magtatagal ang kampanya sa loob ng 90-araw. Pero unang araw pa lamang ng kampanya ay mayroon nang lumalabag sa mga kandidato at kanilang supporters sa paglalagay ng kanilang campaign materials. Nababalewala na ang ipinag-uutos ng Comelec sa tamang lugar na paglalagyan ng kanilang posters o mga banners at streamers.
Ayon sa Comelec may mga poster areas para sa mga kandidato. Ito ay ang mga plaza, mini parks, basketball courts, public markets, barangay hall, at bakanteng lote. Maaari ring maglagay ng posters sa mga pribadong building pero kailangan munang humingi ng permiso sa may-ari ang kandidato.
Ayon kay Abalos, nakaalerto ang Comelec at naka-deputized ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) para arestuhin ang lalabag sa pagkakabit ng posters. Sinabi ni Abalos na maski ang karaniwang mamamayan ay maaaring gumawa ng pag-aresto sa mga lalabag gayunman sinabi ng Comelec chairman na makabubuti kung kukunan na lamang ng retrato ang mga lalabag at saka sasampahan ng kaso.
Pero taliwas ang sinabi ng Comelec na alerto sila sa mga lalabag. Unang araw pa lamang ng kampanya ay mayroon nang mga sutil na supporters ng kandidato na naglalagay ng posters sa mga hindi dapat lagyang lugar. Nasaan ang mga naka-deputized na tauhan ng MMDA at PNP at may mga nakalulusot? Sa haba ng panahon ng kampanya, ay tiyak na marami pa ang lalabag at magmimistulang Krismas tri na naman ang mga puno, tadtad na posters ang mga pader na pinag-aksyahan ng pera para pinturahan, pati ang mga poste ng Meralco ay mamumutiktik sa dami ng nakadikit na posters.
Hindi dapat palampasin ng Comelec ang mga lalabag sa batas. Arestuhin sila at lapatan ng kaukulang parusa. Ipakita ng Comelec ang kanilang pangil sa pagkakataong ito.