Sa Comelec na rin nanggaling na may 500,000 botante ang nagparehistro ng doble. Karamihan umano sa mga nagdobleng rehistro ay mula sa Metro Manila at Autonomous Region in Muslim Mindanao. Kung ganyan karami sa Metro Manila at sa ARMM, gaano pa karami sa maraming bahagi ng bansa. Nakababahala ang ganitong pahayag ng Comelec. Isang palatandaan na magiging marumi ang darating na eleksiyon. Sabagay, kailan ba nagkaroon ng malinis at maayos na election sa bansang ito. Bawat election ay nababahiran ng dayaan at bumabaha ng dugo. Ngayong araw na ito ay simula na ng kampanya para sa kakandidato para sa presidente at bise presidente. Mai-imagine na rin kung gaano karaming putik ang titilamsik sa damit ng mga magkakalaban.
Numero unong problema ng Comelec ay kung paano mapipigilan ang mga flying voters. Tuwing election ay nagliliparan ang mga bayarang botante at walang magawa ang Comelec dito. Sa kasaysayan ng Comelec, wala pang mga commissioner na nakagawa ng paraan para magkaroon ng isang malinis na election.
Kung mapapansin, kapag malapit na ang election ay makikita ang pagkapal ng mga tao sa squatters area. Saan nanggaling ang mga ito? Ngayoy pakapal nang pakapal pa at natural namang hindi makapagsagawa ng demolition ang mga awtoridad sapagkat kakailanganin ang boto ng mga nasa squatters area. Sa dami ng mga squatters dito sa Metro Manila, malaki ang mawawala kung silay dudurugin.
Ang ganitong kalakaran ay nangyayari na noon pa. At hindi na nakapagtataka kung maraming pulitiko ang mismong humahawak na sa mga squatters at pinuprotektahan ang mga ito. Isang masamang gawain na nagdudulot para lalo lamang dumami ang mga squatters. Habang parami sila nang parami, lalong lumalaki ang problema ng Comelec sa dami ng flying voters. Baka hindi nga lang doble nagrehistro kundi baka triple pa.