Sabi nga ni Ramon Gutierrez, dating chief of staff ni Cong. Perpetuo Ylagan ng Romblon "malubak pa kaysa mukha ng buwan ang lansangan at ang dinadaanan ng mga pobreng sasakyan ay malalaking tipak ng bato na sing-kinis ng ulo ng taong kalbo."
Dalawang ulit na diumanong dumalaw si President Arroyo sa Sibuyan Island pero hindi napansin ang lubak-lubak na daan. Ayon kay Gutierrez, sinadya ni dating Cong. at Gob. Budoy Madrona na iiwas ang Pangulo para huwag makita ang karumal-dumal na lansangan. Aba, kapag nakita nga naman ang daan tiyak na magpupuyos sa galit ang Pangulo. Saan napunta ang alokasyong pondo para sa pagsasaayos ng daan!
Idinulog sa ating kolum ni Mr. Gutierrez ang problema. Aniya, araw-araw siyang dumaraan sa naturang daan at halos magkabali-bali ang buto niya dahil sa kaldag ng sasakyan dulot ng mga mala-buwang craters.
Tinuran ni Mr. Gutierrez ang 17 kilometrong bahagi ng road network ng Sibuyan mula San Fernando tungong Bgy. Mabini na aniyay daig pa ang kalbaryo sa mga motoristang nagsisidaan doon. Iminumungkahi sa Pangulo ni Gutierrez na ibalik ang field office ng DPWH doon at magpadala ng mga heavy equipment para makumpuni agad ang kalsada.
Sayang. Isa pa naman sa mga potential tourist spot ng bansa ang Sibuyan Island. Hindi naman daw nagkukulang sa pondo ang isla pero saang bulsa kaya ito nasu-shoot?