Sinabi pa rin ni Jesus, "Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang maghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupay siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.
"Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?" tanong pa ni Jesus. "Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, itoy nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nakakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito."
Ang Salitay ipinangaral ni Jesus sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumaamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.
Ang presensiya ni Jesus ang naglulunsad sa paghahari ng Diyos. Inaanyayahan niya ang mga tao na magbago. Subalit ang mga Eskriba at Pariseo ay hindi nakakaramdam ng tungkol sa presensiya ng paghahari ng Diyos. Tumanggi silang kilalanin na si Jesus ang nagbukas sa paghahari ng Diyos para sa lahat.
Tayo naman, naniniwala ba tayo na si Jesus ang nagdala ng paghahari ng Diyos sa ating mga puso? Na siya, sa katunayan, ay nagnanais maghari sa puso ng lahat ng mga tao para sa lahat ng panahon?