Ganito pala ang sistema ni Capungcol, anang sumulat sa akin. Bilang over-all tong collector ng NCRPO, siya ang kumukuha ng mga bataang aktibong pulis man o sibilyan para kolektahin ang lingguhang intelihensiya na napagkasunduan nila ng mga gambling financiers at may-ari ng mga putahan at nightclubs. Pero hindi pinapakialaman ni Capungcol ang Central Police District (CPD) dahil nandoon si Maj. Hernandez na direkta raw kay NCRPO chief Gen. Ricardo de Leon. Ano ba yan? Itong napagkasunduan lang na intelihensiya ang deklarado ni Capungcol sa mga amo niya kayat ang mga hirit at dagdag na porsiyento ay mapapasakamay niya. Kapag nasa kamay na ni Capungcol ang mga remittance ng mga sub-collector niya tsaka niya ito iaakyat o iabot sa kanyang mga amo sa NCRPO, ayon pa sa sulat, he-he-he! May basbas kaya nina De Leon at Supt. Rogelio Damazo, ang hepe ng NCRPO intelligence, ang ginagawa ni Capungcol?
Kung abot-langit ang sigaw ni de Leon sa kanyang mga tauhan na no take policy, bakit si Capungcol at mga alipores niya, na ginigisa ang pangalan niya ay patuloy sa kanilang ilegal na gawain? Mahinang intelligence man si Damazo kung hindi nakarating sa kaalaman niya ang pag-iikot ng grupo ni Capungcol, di ba mga suki? Kung ang opisina ni De leon ay nakikinabang sa jueteng at iba pang pagkakitaan, hindi malayo na sumunod na rin ang limang distrito ng pulisya sa Metro Manila. Eh, ang maiiwang katawa-tawa pag nagkataon ay si Ebdane na hayagang napaglalangan din ukol sa one strike policy niya.
Totoo ba na ang aksiyon ni Ebdane ay smokescreen lang para bigyan daan na makontrol ng gambling lord na nakabase sa Pampanga ang jueteng sa buong Pilipinas? Ang gambling lord ang pumalit sa papel ni Chavit Singson noong kapanahunan ni Erap. Ang kaibahan lang, tago ang papel ni gambling lord samantalang si Singson noon ay nakabilad ang mukha. May malaking papel kaya na gagampanan si gambling lord sa pagtakbong muli ng kumare niyang si Presidente Arroyo? Siya kaya ang magiging bagman nito at ang pera sa jueteng ang ibubuhos sa darating na elections? Kailan pa magkakaroon ng pagbabago ang bansa natin?