EDITORYAL - Bansa ng mga peke

PEKENG diploma, pekeng pera, pekeng titulo ng lupa pekeng CDs at ngayo’y pekeng dokumento ng ama ni presidentiable Fernando Poe Jr. Iba na ito. Lumalawak ang galing ng mga Pinoy sa pamemeke. Mahusay magduplikado.

Kung nagsasabi ng totoo ang tatlong tauhan ni National Archives chief Ricardo Manapat na inutusan lamang sila para pekein ang dokumento ni FPJ, nakatatakot na hindi lamang birth certificate ang maaaring gawin. Maraming bagay ang marami pang pekein na magdudulot ng kasiraan sa bansa. Mayroon pa bang magtitiwala kung malaman ng buong mundo na sanay mameke ang mga Pilipino. Hindi na gugustuhing magpunta ng mga dayuhan dito sapagkat narito na lahat ang manloloko at mandarambong.

Umano’y pinilit sina Remmel Talabis, Vicelyn Tarin at Emman Llamera na i-forged ang dokumento ng ama ni FPJ para madisqualify ito para tumakbong presidente. Gayunman, itinanggi ni Manapat ang alegasyon at sinabing ang dokumento ay authentic. May galit umano sa kanya ang mga empleado ng Archives na kinabibilangan nina Talabis, Tarin at Llamera. May ilalabas umano siyang mga testigo para mapatunayan ang kanyang sinasabi. Kasalukuyang naka-leave si Manapat at isang officer-in-charge ang ipinalit sa kanya ni President Gloria Macapagal-Arroyo.

Lumalabas sa dokumento na si FPJ ay hindi natural born Pilipino sapagkat ang kanyang ama ay isang Spaniard samantalang ang kanyang ina naman ay isang American. Nabulgar din na hindi legitimate na anak si FPJ. Hindi kasal ang mga magulang ni FPJ.

Ang pagkakasangkot ni Manapat sa umano’y pamemeke ng dokumento ay magdudulot ng lamat sa gobyerno ni President Arroyo. Dapat lamang na masibak si Manapat at saka imbestigahan kung sino ang nasa likod ng pamemeke o pagpapalsipika. Kung hindi ito gagawin ng gobyerno ni President Arroyo maaaring sa mukha nila tumalsik ang putik at maapektuhan ang pagtakbo sa May 10 elections. Tama lamang na dumistansiya si Mrs. Arroyo kay Manapat.

Hindi dapat magpabagal-bagal ang gobyerno sa pagkalkal sa mga ebidensiyang may kinalaman sa pamemeke sa National Archives. Mas lalong nahaharap sa malaking problema ang bansa kapag hindi naputol ang masamang gawaing pamemeke ng dokumento.

Show comments