Laking gulat ng mga taga-DFA nung ipinarating ko sa kanila ang balitang mahigit-kumulang 80 domestic helpers ang kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Saudi Social Welfare Administration (SSWA).
Ang mga pobre ay biktima ng pang-aabuso at pagsasamantala ng kanilang mga amo. Hindi daw nila matiis ang kalbaryo kung kayat napilitan silang tumakas.
Karamihan sa kanila humingi pa raw ng tulong sa ating embahada. Pinayuhan daw sila ng mga staff ng ating Philippine Embassy na tumakas na lang.
Ang kanilang malaking pagkakamali, sinunod nila ang payo ng mga tinamaan ng lintek sa ating embassy. Hindi nila inaasahan, ang ating embahada pala ang maglalagay sa kanila sa kapahamakan.
Mismo ang ating embahada pa raw ang nag-endorso sa kanila sa SSWA kaya hanggang ngayon silay nagdurusa at nakakulong pa.
Hindi ko sana malalaman ang bagay na to kung hindi sa tawag ni Rosie Novero sa aking cellphone noong Miyekules ng madaling-araw. Umiiyak at nagmamakaawa na tulungan ko sila.
Pinagpasa-pasahan nila ang naipuslit na cellphone sa loob ng kanilang selda. Noong una ayaw ko sanang maniwala. Aaminin kong nabulabog ako sa walang tigil na pagtunog ng aking cellphone sa kabilang kuwarto kaya nagising ako at naistorbo sa aking tulog.