Pero hihirit pa ang COMELEC. Aapela sa Korte para mabaligtad ang desisyon. Nagbayad na ang pamahalaan sa Mega-Pacific Consortium na mahigit sa P800 milyon. May punto ang Korte na ipabawi ang lahat ng naibayad at kanselahin ang kontrata. Siyempre, pera ng bayan ang nakataya riyan.
Kaduda-duda talaga ang computerization program ng COMELEC. Noon pay inamin ni COMELEC Chairman Ben Abalos na ang sistema ay hindi siyento porsyentong maipatutupad kundi 30 porsyento lang. Ibig sabihin, ang 70 porsyento ng eleksyon ay gagawin pa ring mano-mano.
Bakit ipatutupad pa ito kundi rin lang isandaang porsyento ang implementasyon? At bakit kailangan pang ituloy ang kontrata kung antimanoy batid nang hindi ito maiimplimenta ng isandaang porsyento?
Nagtatanong lang tayo dahil wala tayong maisip na dahilan maliban sa matabang komisyon na puwedeng tanggapin ng mga nakikipagkontrata. Di tayo nag-aakusa kundi nagtatanong lang porke kuwarta ni Juan dela Cruz ang nakasalang diyan.
Sanay galangin na lang ng COMELEC ang desisyon ng Korte at huwag ipilit ang baluktot na katuwiran. At kailangan ding gumawa ng malalimang imbestigasyon para tukuyin ang mga opisyal na nakinabang at tumaba ang bulsa sa maanomalyang kontrata.