Sino bang hindi gugusto na maging makabago ang election? Lahat ay naghahangad na maging moderno at mabilis ang election pero kung ganito namang maaatrasado pa yata dahil sa kapalpakan ng nakakuha ng project sa poll automation, hindi na baleng sinauna ang gamitin. Kapag naatrasado ang election dahil lamang sa kapalpakan, malaking epek-to ang idudulot nito sa bansa. Malamang na magkaroon ng kaguluhan. At walang ibang masisisi nito kundi ang administrasyong Arroyo. Maakusahan silang minamaniubra ang pag-atrasado ng halalan para sa sariling kapakanan. Walang ibang magandang magagawa kundi ituloy ang election kahit na usad pagong ang pagbibilang. Matatapos din naman yan.
Hindi rin naman dapat nagbigay agad ng pahayag si Senate President Franklin Drilon at ang Comelec spokesperson na si Atty. Ferdinand Rafanan na maaaring maatrasado ang election kapag nagkamali ang Supreme Court sa pagdedesisyon tungkol dito. Ang pagbibigay ng ganitong pahayag ay hindi dapat ginagawa lalo pa at umiinit na nang uminit ang pulitika. Magkakaroon lamang ng pagkalito ang taumbayan at iisiping magulo ang magaganap na eleksiyon.
Hindi maaaring ipagpaliban ang eleksiyon na ginaganap tuwing ikalawang Lunes ng Mayo. Maatrasado lamang ito ng isang linggo ay apektado na ang pagpoproklama ng mga mananalong kandidato, lalo na ang presidente at bise presidente. Nakasaad sa Konstitusyon na ang mananalong presidente at bise presidente ay dapat manumpa ng June 30. Kung hindi maipoproklama sa nakasaad na petsa, magkakaroon ng Constitutional crisis.
Kung ipagpapaliban ang election dahil lamang sa kapalpakan ng mga Automated Counting Machines (ACM), kalimutan na ito. Magmanu-mano na lang muna. Kapag may kahandaan na ang Comelec saka sumabak sa modernong eleksiyon. Marami ang apektado kapag hindi natuloy ang 2004 election.