Philippine Pweh! litics

NAKASUSUKA ang pulitika. Bibihira siguro (kung meron man) ang mga politikong may maganda at tapat na intensyong maglingkod. Pweh-litika o Pweh-lintik-kah?

Halimbawa. Si Miriam Defensor Santiago ay dating nasa ticket ni Fernando Poe, Jr. Kumalas si Miriam sa oposisyon. Hindi raw masikmura si Loren Legarda na malaki ang bahagi sa isinagawang impeachment laban kay Joseph Estrada. Okay ang katuwiran niya at sold ako riyan.

Kaya lang, sumapi si Miriam sa LAKAS na partido ni Presidente Arroyo. Wala akong tutol sa paglilipat ng partido kung base sa prinsipyong pinaninindigan. Pero di ba malaking ka-ipokritahan ang ginawa ni Miriam? Si Presidente Arroyo ay inaakusahan ng mga oposisyunistang loyal kay Erap na nang-agaw ng kapangyarihan, ngayo’y kaalyado na niya. Inamin ni Miriam na nag-usap sila ni Presidente Arroyo at hindi naman daw nagsasalungatan ang kanilang agenda sa pamamalakad ng gobyerno.

Ang ganyang uri ng mga politiko ay political opportunists. Kung aling partido ang inaakala nilang malaki ang tsansang magtulak sa kanila sa tagumpay, dun sila. Hindi talaga agenda para sa ikabubuti ng bayan ang ipinaglalaban. Hunyango ang mga iyan. At least, sa mga nangyayari ngayo’y nalalantad ang tunay na kulay ng mga kandidato. Nakikita natin kung sila’y mga tapat o puro paimbabaw. Sabagay, iisa lang naman ang interes ng mga sumusuong sa pulitika. Vested interest.

Dapat sana, ang mga kumakandidato ay may tunay na malasakit sa taumbayan na ibig nilang paglingkuran. Hindi pagmamalasakit sa sarili. Hindi kumakandidato para magtamo ng kapangyarihan kundi maging sandalan ng mga kababayan nating nangangailangan at napagkakaitan ng kalinga at hustisya. Sana manalo si Bro. Eddie Villanueva.

Show comments