Ngayon lang naging masigasig ang pamahalaan sa pagtugis sa mga kidnappers. Biglang-bigla ang pagpapasikat. Lalo pang naging masigasig nang maupo bilang hepe ng National Anti-kidnapping Task Force (Naktaf) si dating Defense Sec. Angelo Reyes. Biglang-bigla ay naging laman si Reyes ng mga diyaryo at inakalang ang pagiging masigasig niya laban sa mga kidnappers ay paraan niya para magamit sa pagkandidato niya para senador. Pero hindi tatakbong senador si Reyes, inamin niya ito.
Umanoy dalawa o tatlong suspect na lamang sa Betti Sy kidnapping ang nakalalaya at ayon kay Reyes, ay madadakma na rin nila ito. Kamakalawa, tatlo pang miyembro ng Waray-Waray kidnapping group ang nadakip ng Naktaf at ipinresenta ito ni Reyes sa media. Ang grupo ang responsable sa pagkidnap at pagpatay kay Sy noong November 17, 2003 sa Quezon City. Kinabukasan, natagpuan ang kanyang bangkay, nakasilid sa isang black plastic bag sa Parañaque City. May tama siya ng baril. Karamihan sa mga suspect ay nahuli sa Leyte.
Sunud-sunod ang kidnapping mula Hulyo hanggang Nobyembre 2003. Lantaran na ang pangingidnap katulad ng ginawa sa isang batang babaing Chinese na dinukot habang patungo sa school. Naganap ang pangingidnap, tatlong araw makalipas patayin si Sy.
Sabi ni Reyes, mula nang mag-set-up ng mga checkpoints sa Metro Manila ay wala nang naganap na kidnapping. Kaya ang direktiba raw ni Mrs. Arroyo ay eexpand ang checkpoints sa karatig probinsiya.
May epekto nga ang pagkakaroon ng checkpoints sa pagbaba ng kidnapping pero hindi kaya maging ugat naman ito ng pang-aabuso ng mga pulis. Gaano nakasisiguro ang mga police officials na hindi nagmamalabis ang kanilang mga tauhan?
Magandang balita kung "zero" na nga ang kidnapping. Ibig sabihin maaari nang gumala sa kalye ang mga Tsinoy, dayuhan at iba pa na hindi mag-aalalang may dudukot sa kanila. Maaari nang dumagsa sa bansa ang dayuhang investors. Uunlad ang bansa.