EDITORYAL - SARS na naman

NATATANDAAN n’yo pa si Adela Catalon? Siya yung nurse na nagtatrabaho sa Canada na nahawahan ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) noong nakaraang taon. Nagbakasyon si Adela subalit kamatayan ang kinahantungan niya. Nahawahan din ni Adela ang kanyang ama at namatay din. Marami ang natakot nang mapabalitang kung saan-saan pang lugar nagtungo si Adela bago nagtungo sa kanilang lugar sa Bgy. Vacante, Alcala, Pangasinan. Isinasailalim sa quarantine ang lahat ng taga-Barangay Vacante sa takot na kumalat ang sakit.

Ngayo’y panibagong takot na naman ang naghahari sa mga Pinoy sapagkat panibagong kaso na naman ng SARS ang napapabalita.

Isang Pinay domestic helper na kagagaling lamang sa Hong Kong ang pinagsususpetsahang positibo sa SARS. Bukod sa domestic helper pinaniniwalaan nahawa na ng DH ang kanyang asawa at anak. Dumating sa bansa ang DH noong December 20. Noong Bagong Taon, isinugod sa ospital ang DH dahil sa matinding lagnat. Agad siyang sumailalim sa pagsusuri ganoon din ang kanyang asawa at mga anak kung positibo nga ba sila sa sakit. Kasalukuyang nasa Manila’s Research Institute for Tropical Medicine ang mga pasyente at inaalam na ng mga doktor kung sino pa ang mga nakahalubilo ng DH bago ito nagkaroon ng lagnat noong Bagong Taon.

Walang pinipili ang SARS at sa kabuuan mayroon nang 12 kaso ng sakit na ito sa Pilipinas at dalawa na nga ang namamatay bukod pa ito sa dalawang domestic helper na namatay sa Hong Kong noong nakaraang taon din.

Ang SARS ay na-detect noong 2002. At hanggang sa kasalukuyan hindi pa mabatid kung saan nanggaling ang misteryosong sakit na ito. Wala pa rin namang lunas. May 900 na ang namamatay sa SARS sa mga bansang China, Hong Kong, Taiwan at Singapore.

Ang paghihigpit sa airport ay nararapat na. Hindi na dapat maulit ang mga pangyayari (katulad ni Catalon na nakauwi pa sa kanilang barangay gayong dapat ay kinu-quarantine na para hindi na kumalat ang sakit. Isang pagkakamali sa pag-inspection sa mga dumarating sa airport at tiyak na maraming magkakasakit ng SARS. Dapat din namang ipalabas ng gobyerno ang P1 million pondo para sa SARS at nang magamit na ng mga doctor. Reklamo noon, na wala man lang nakalaang pera sa mga pasyente at sa bulsa pa ng mga doktor kinukuha ang pera pambili ng alkohol at iba pang gamit.

Hindi mananaig ang SARS kung paiiralin ang paghihigpit at pag-iingat at dito’y kailangan ang tulong ng mamamayan.

Show comments