Pinoy inventor umaapela kay GMA

ANG paksa sa kolum ko ngayo’y inilalathala ko sa Pilipino Star Ngayon at sa ating sister newspaper, PM. Gusto kong bigyan ng mas malawak na publisidad ang hinaing ng isang imbentor sa pagbabakasakaling makarating kay Presidente Gloria. Si Mr. Isidro Ursua ay dumulog sa’kin. Emosyonal siya at halos lumuluha sa aking harapan. Ibig niyang mabigyang-pansin ang imbensyon ng grupo ng mga imbentor na kanyang pinamumunuan na sa kabila ng pagkilala ng ibang bansa ay tila di pinapansin ng mga opisyal ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng imbensyong ito na mayroon nang patent protection mula sa may 31 mauunlad na bansa, ang halaga ng kuryente ay maibababa sa P1.50 bawat kilowatthour. Sinabi ni Mr. Ursua na puwedeng silipin ang website (www.parliament.the-station-office-co.uk). Ito ay kaugnay sa United Kingdom-House of Commons Science and Technology Committee Report tungkol sa ekonomiyang pinapaandar ng non-carbon fuel. Samakatuwid baga’y ng hydrogen.

Maraming technical terms na sinabi sa akin si Mr. Ursua na mahirap ipaliwanag sa layman’s term. Ang importante, ito aniya’y makapagpapaunlad sa bansa dahil sa murang elektrisidad na maipagkakaloob nito. Inalok na raw siya ng $5 milyon ng isang dayuhang pamahalaan para bilhin ang imbensyon pero ito’y kanyang tinanggihan dahil ibig niyang Pilipinas ang unang makinabang.

Maaari daw kumpirmahin ang authenticity ng imbensyong ito sa QinetiQ Haslar ng UK, ang itinuturing na most advance hydrodynamic testing facility sa Europa. Nabakas ko ang sinseridad ni Mr. Ursua na mahango ang bansa sa kahirapan. Ramdam kong isa siyang tunay na Kristiyano na nagpapahalaga sa kanyang kapwa Pilipino. Dahil hindi siya tumanggap ng pansin sa mga nakabababang opisyal ng gobyerno’y nais niyang maipaabot ang apelang ito sa Pangulo para dinggin ang kanyang paliwanag.

Maraming imbentor ang tulad ni Mr. Ursua. Ang iba’y napipilitang ibenta na lang sa ibang bansa ang kanilang mga konsepto dahil wala silang makitang opisyal ng ating gobyerno na may sinseridad na tumulong sa kanila. Ang laging nasa isip ay kung paano sila titiba o kaya’y kung paano mananakaw ang isang magandang ideya.

Show comments