Sa kanilang pag-uwi, hinihikayat ko ang mga OFWs na maging miyembro ng Pag-IBIG Overseas Program (POP) upang sa gayon ay magkaroon ng pagkakataon na makapagpundar ng sariling lupat bahay.
Sa ilalim ng POP, ang isang miyembro na nakapagbayad ng 24 buwanang kontribusyon, maaaring iseguro at hindi lalampas sa 65 taong gulang sa loan maturity, may legal na kapasidad na magmay-ari ng real property, walang housing loan sa Pag-IBIG bilang prinsipal o co-borrower at updated na pagbabayad ng multi-purpose loan kung meron man ay maaaring mag-apply para sa housing loan na puwedeng gamitin sa pagbili, pagpapatayo o pagpapagawa ng bahay at lupa. Maaari ring gamitin ang housing loan na ito upang mabayaran ang updated na housing loan sa banko o institusyong tanggap ng Pag-IBIG Fund.
Ang buwanang kontribusyon ay maaaring US$20.00 kung ang uutangin ay hanggang P1,000,000.00; US$40.00 para sa lampas ng P1,000,000.00 hanggang P1,500,000.00 at US$50.00 lampas P1,500,000.00 hanggang P2,000,000.00. Kapag mas malaki ang kontribusyon ay mas malaki rin ang maaaring mautang na housing loan.
Ang pagbabayad ng housing loan ay depende sa mauutang mula 5 hanggang 10 taon. Maaari ring bayaran ang loan bago ang takdang maturity.
Para sa karagdagang impormasyon, maaari kayong makipag-ugnayan sa Pag-IBIG Overseas Program International Operations Group, Rm. 608, Atrium Bldg., Makati Avenue, Makati City o tumawag sa 811-4146/811-4272.