Kapag talamak ang krimen, lagi nang may palusot ang PNP. Naghuhugas ng kamay at ibinibintang sa iba ang dahilan. Sasabihin pa ng PNP na kulang sila sa pulis at baril. Marami silang dahilan para hindi mabuntunan ng sisi. Dapat nang eksaminin ng PNP ang kanilang organisayon para malaman ang kanilang pagkukulang dahil sa lumalalang krimen.
Mula nang kidnapin at patayin ang 32-year old na Coca Cola Executive noong nakaraang linggo, sunud-sunod pang pangingidnap ang nangyari. Natagpuang patay si Betti Sy sa Parañaque na nakabalot sa plastic garbage bag at may tama ng bala sa mga hita.
Isang araw makaraang kidnapin si Sy, isang 10 taong gulang na batang babae (Tsinoy din) ang kinidnap habang patungo sa school. Hinarang ng mga kidnapper ang sinasakyan ng batang si Gellina Dy sa Paco, Manila. Binaril naman ng mga kidnapper ang driver at yaya ng bata nang tumanggi ang mga ito na ibigay ang alaga. Halos kasabay nang pagkakakidnap kay Dy, isang Tsinoy naman ang hinoldap at pinatay sa may Binondo ng araw ding iyon.
Umarangkada na ang panghoholdap. Isang estudyante ang binaril sa kanto ng Quirino Ave. at South Superhighway noong Biyernes ng gabi. Nakasakay sa kanyang kotse si Christian Reyes, kasama ang mga kaibigan nang lapitan ng mga holdaper. Hiningi ang cell phone nito at nang ayaw ibigay ay binaril ito. Napag-alaman na ibinaba ni Reyes ang salamin ng kotse para manigarilyo. Sa puntong iyon lumapit ang mga holdaper at nagdeklara ng holdap.
Ang lahat ba ng krimeng ito ay maisisisi sa nalalapit na eleksiyon? O sadyang palso ang PNP sa pagprotekta sa mamamayan? Nang kidnapin si Sy at Dy ay kasikatan ng araw pero walang pulis na makita sa bisinidad ng nasabing mga lugar. Nang holdapin at barilin si Reyes ay sa gitna nang maraming tao pero wala man lang pulis na naka-responde.
Nasaan ang mga pulis? Kung kulang ang mga pulis, bakit may nahuhuling nakikipag-ulayaw sa GRO at nagpapakalunod sa masasarap na alak sa mga panggabing bahay-inuman?