Lima ang namatay sa acute dehydration.
Napag-alaman na meron palang mahigit isang dosenang ilegal ng koneksiyon ng mga taga-Tondo sa main pipe ng Maynilad. Sila ang sanhi ng maruming tubig. Kung merong dapat panagutin sa pinsala sa kalusugan at nawalan ng buhay, ito ang mga magnanakaw ng tubig.
Basta bumutas sila sa Maynilad main pipe at sinaksakan ng tubo papunta sa bahay. Hindi sinelyuhan ang butas. Sa ilalim pa ng pipe bumutas para mas maraming manakaw na tubig, samantalang ang legal na koneksiyon ay sa gawing itaas ng pipe. Tapos, gumamit pa ng bawal na booster pump para higupin nang todo ang tubig.
Heto ang sisti. Sa dami na ng paglatag ng aspalto sa mga kalye mula nang buksan ang area para sa mahihirap, naging mas mataas na ang drainage canals kaysa Maynilad pipes. Dahil hindi selyado ang butas, pumapasok sa pipe ang dumi ng kanal. Dahil may booster pump, pati tubig ng mga legal na koneksiyon ay nakontamina.
Isa pang sisti. Ang mga magnanakaw ng tubig ay karaniwang mangmang sa kalusugan. Kaya nga magnanakaw, e. Yung mga tubong papasok sa bahay, wala pang isang metro ang layo mula sa poso-negro. Nag-seepage ito patungo sa pipe. Kaya nakitaan ng E-coli bacteria ang mga naospital, germ na galing sa dumi ng tao.
Lumala ito dahil ang isa sa ilegal na koneksiyon ay kagagawan ng barangay officials. Binebenta sa looban ang tubig mula sa ilegal na gripo sa gilid ng barangay hall. Lahat ng taga-looban nagkasakit.
Isa ring magnanakaw ng tubig ay may negosyong water refilling station. Marami siyang pinahamak na kapitbahay.
Leksiyon: Isuplong ang magnanakaw ng tubig at gumagamit ng booster pump. Alamin at sumunod sa batas-kalusugan. Para sa atin ito.