Sa pagtatanong ng hukom, kinumpirma nina Mario at PO3 Cruz ang nilalaman ng kanilang apidabit. Sinabi rin ni PO3 Cruz na ang armas na dala ni Rufo ay hindi lisensiyado. Basehan ang ginawang pagsisiyasat at ang mga nasabing apidabit, nag-isyu ang hukom ng search warrant laban kay Rufo alias Nardo ng Purok 4 Poblacion Kitaokitao, Bukidnon sa ilegal na pag-aari ng .22 magnum at 9mm pistol, isang paglabag sa RA8294.
Bandang alas-6:30 ng araw ding yun, natagpuan ng mga pulis si Rufo at nakuha mula sa kanya ilang granada, baril at di mabilang na plastik na ginagamit sa shabu. Makalipas ang sampung araw, kinasuhan na si Rufo ng illegal possession of firearms and explosives. Hiniling ni Rufo na ipawalang-bisa ang search warrant at hindi tanggapin ang mga nakumpiskang gamit bilang ebidensiya laban sa kanya. Tama ba si Rufo?
TAMA. Sa kasong ito, hindi nabanggit sa apidabit at testimonya nina Mario at PO3 Fred na talagang walang lisensiya si Rufo na mag-angkin ng mga armas. Hindi sapat ang salaysay lamang na ito ni PO3 Cruz. Itinuturing lamang itong sabi- sabi. Dapat sana ay kumuha siya ng sertipikasyon mula sa nararapat na ahensiya ng gobyerno na magdedeklarang si Rufo ay walang lisensiya na humawak ng armas. Ito ang pinakamabisang ebidensiya upang patunayan ang paratang laban kay Rufo.
Kaya, ang search warrant na inisyu laban kay Rufo ay walang bisa. Samantala ang mga gamit na nakuha mula sa kanya ay hindi tatanggapin ng korte bilang ebidensiya laban sa kanya (Nala vs. Barroso, Jr. etc. G.R. 153087, August 7, 2003).