Tuliro ang mahihirap at hindi malaman kung paano pagkakasyahin ang kanilang kinikita. Kakatwa naman na hindi makontrol ng pamahalaan ang pagmamalabis ng maraming sakim na negosyante na agad-agad nagtataas ng kanilang presyo. Hinahayaan na lamang kaya ang nangyayari, kapag muling nagtaas ang presyo ng gasolina, panibagong pagtataas muli ang gagawin ng mga linta. Sino ang maniniwala na namo-monitor ng pamahalaan ang galaw ng mga presyo ng bilihin? Ang ebidensiya ay makikita sapagkat ibat iba ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang mamamayan naman na sawang-sawa na sa paghihigpit ng sinturon ay tatanggapin na lamang ang kapalaran. Ganyan talaga ang mahirap sa bansang ito lalo pang naghihirap.
Nagtaas ng 40 sentimos ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene o gaas. Ang LPG naman ay nadagdagan ng P1 bawat kilogram. Magiging P310 na ang 11-kg cylinder ng LPG.
Noong nakaraang Setyembre lamang nagtaas ng presyo ng petroleum products at ngayon ay panibago na namang pasanin sa balikat ng mga mahihirap. At hindi na nakapagtataka kung sa December ay muli na naman silang magtaas. At tiyak, wala na namang say dito ang gobyerno.
Kung ganito nang ganito ang mangyayari, i-abolished na lamang ang Oil Deregulation Law. Ang batas na ito ay nagiging palamuti na lamang at walang magawa sa patuloy na pagmamalabis ng tatlong oil companies na sinamahan pa ng mga bagong players. Buwagin na lang ang ODL. Matagal nang may nakahaing petisyon sa pagbabasura sa ODL subalit hindi madesisyunan ng Korte Suprema. Ngayon, sa nangyayaring kaguluhan sa Korte Suprema, na ang kontrobersiya ay umiikot kay Chief Justice Hilario Davide, paano maaaksiyunan ang ODL gayong ang kanyang sarili ay hindi na makaalis sa kumunoy ng kritisismo.
Sunud-sunuran ang pamahalaan kung ano ang gustong sabihin ng tatlong oil companies. Taas-baba-taas ang kanilang produkto at ang resulta baba nang baba ang klase ng pamumuhay.