Simbolo ng katapangang-pulis si PO2 Aristotle Tacata ng Makati. Off-duty na siya nang makitang ninanakawan ang LPC Minimart ng mga armadong lalaki. Hindi siya natinag. Nakipagputukan at naitumba ang isa sa grupo. Tuloy ang paglaban niya miski may tama. Namatay siya.
Off-duty din si PO1 Angelito Rivera nang mapalaban sa apat na holdaper sa jeepney. Isa siya sa mga pasaherong biniktima sa Parañaque. Hinabol niya ang mga holdaper. Pinagbabaril siya, pero tinamaan niya ang dalawa.
Killed-in-action din si PO2 Aldy Monteroso. Kasama siya sa Sangandaan mobile patrol nina Sr. Insp. Remeo Romero, PO1 Benito de Vera at PO1 Alberto Cirilo Dionisio. Pasko ng Pagkabuhay nang in-alert ang mobile team sa pagdating ng isang van ng limang armadong lalaki sa Quezon City. Papalapit pa lang sila nang paulanan ng bala. Sugod pa rin si Monteroso sa bakbakan. Natamaan siya, pero ubos ang kalaban.
Desk sergeant si SPO4 Rey Napa sa Malabon. Pero hindi siya nag-aatubiling humalili kung may absent sa field. Rilyebo nga lang siya nang atasang magtayo ng checkpoint sa Kaunlaran Village kasama sina SPO1 Lyndell Casungcad, PO2 Joel Ortega at PO1 Rodolfo Alvarez Jr. Pinara nila ang isang tricycle na may lulang apat na pasahero para sa routine inspection. Si Napa ang namuno bilang pinaka-mataas na opisyal. Bigla siyang binaril sa ulo. Nakipagputukan ang mga kasama at napatay ang namaril. Pumanaw si Napa habang inooperahan sa ospital.
"Honest cop" si Sr. Insp. Alberto Malaza. Nagpapatrulya siya sa Commonwealth Market nang maispatan ang backpack na may lamang P329,500. Dinala niya agad ito sa headquarters sa paniwalang break ito para malutas ang maraming holdapan sa palengke.
Sana dumami ang mga ka-tribu nila.