Sawa na sa pulitika? Try Jamby's formula

KONTRA-PULITIKA MOVEMENT. Iyan ang organisasyong pinamumunuan ni Jamby Abad Santos Madrigal, dating Presidential Adviser for Children’s Affair na ngayo’y aktibo sa kilusan na ang hangari’y sagkaan ang labis na pamumulitikang umiiral sa bansa. Matatawag na idealistic ang samahan dahil binubuo ng nakararaming kabataan. Kung minsan, ang mga nakatatanda ay dapat pumulot ng nuggets of wisdom sa mga batang hindi pa nababahiran ng katiwalian ang pag-iisip.

Bugbog-sarado na ang bansa sa pulitika. Mula pa sa isyu ng "Jose Pidal" hanggang sa impeachment ni Chief Justice Hilario Davide, nakikita natin na ang mga usaping ito’y pawang may kulay pulitika.

Ayon kay Jamby, kailangang gamitin ng mga mambabatas ang sariling konsensya kung dapat o hindi dapat bawiin ang kanilang lagda sa impeachment complaint. Huwag lamang padala sa pressure ng kanilang partido.

Ipagpalagay na ang impeachment ay bunsod ng pulitika, ang pag-udyok ng isa pang partido sa mga mambabatas na bawiin ang kanilang lagda ay isa ring uri ng political pressure. Politika kontra politika.

Sana’y mahimasmasan yung mga Solons na maaaring lumagda dahil lamang sa political pressure at gamitin na ang sariling dikta ng konsensya. And I second Jamby’s opinion na kailangang maisulong ang proseso ng hustisya para kung sadyang walang sala si Davide ay malinis ang kanyang reputasyong matagal din niyang pinangalagaan.

Kung mamamatay ang usapin sa impeachment, mag-iiwan ito ng pagdududa sa isip ng marami hinggil sa reputasyon ni Davide na tinitingala pa naman ng marami bilang isang taong may dangal at prinsipyo. Sabi nga ni dating Senador Raul Roco, kung tiwali si Davide, bakit ang mga isinusuot niyang barong-tagalog ay mukhang "pitong taon na".

Show comments