Nakagigimbal na lima na ang namatay dahil sa pag-inom ng kontaminadong tubig sa Tondo, Manila. Unang nalathala ang water poisoining sa Pilipino Star NGAYON at kapatid na diyaryong PM (PangMasa) noong October 27. May 300 residente ng Velasquez, Tondo ang sinugod sa ospital dahil sa gastrointestinal infection. Noong Biyernes, lima na ang namatay at nakilalang sina Aquilino Manalo, 70; Lucia Respal, 56; Arnulfo Bayo, 40; Redemyl Manabat, 7; at Janine Masangkay, 10, pawang taga-Tondo. Ayon sa mga awtoridad, ang mga biktima ay namatay dahil sa dehydration at gastrointestinal infection.
Sa pagsisiyasat ng Manila Health and Sanitation Department lumabas na ang kontaminadong tubig na isinusuplay ng Maynilad Water Services Inc. (MWSI) ang dahilan. Ayon kay Sanitary Inspector Clemente San Gabriel, walang halong chlorine ang tubig na dumadaloy sa Tondo.
Kung hindi pa nag-utos si President Gloria Maca-pagal-Arroyo ay hindi agad kikilos ang mga kinauukulan. Ang Maynilad ay mabilis sa pagpapaliwanag. Agad din namang nagsagawa ng pagrarasyon ng tubig sa mga apektadong lugar. Pero may pagdududa pa rin sila kung ang tubig nga ang dahilan ng pagkakasakit ng mga residente. Katwiran ng Maynilad, bakit sa lugar lamang na iyon nagkaroon ng outbreak at wala naman sa ibang lugar na kanilang sinusuplayan. Ang Maynilad ang water consessionaire sa nabanggit na lugar. Sabi pa ng Maynilad, masyadong maraming illegal connections sa nasabing lugar at pinayuhan pa ang mga tao na maging disiplina. Panatilihin ang kalinisan sa kanilang lugar. Saka ipinag-utos ang inspection sa mga tubo ng gripo roon. Natuklasan ang 235 leaks sa mga tubo.
Maaaring ang karumihan ang dahilan ng outbreak. Pero malaki ang responsibilidad ng Maynilad sapagkat kaya pumasok ang dumi sa tubo ng gripo ay sapagkat sira na ang mga ito. Kinakalawang dahil sa kalumaan. Ang mga sirang tubo rin ang dahilan kung bakit maraming tubig na nasasayang. Ang natatapon ay binabayaran ng consumers na sa dakong huli ang iniinom pala nila ay kontaminado. Malaking hamon sa Maynilad ang problemang ito.