Kamakalaway muling sumalakay ang mga holdaper at sa pagkakataong ito, iba ang kanilang estilo. Susubaybayan nila ang kanilang bibiktimahin, mula sa pagwi-withdraw ng pera sa banko hanggang sa pag-uwi. Ganyan ang ginawa sa mag-asawang negosyante na hinoldap sa gitna ng kalsada habang naipit sa trapik ang sasakyan sa EDSA. Dalawang lalaking naka-motorsiklo ang biglang lumapit sa nakatigil na kotse sa Cubao underpass at nag-announce ng holdap. Nang hindi ibigay ang hinihinging pera, pinaputukan ng isa sa mga holdaper ang mag-asawa. Nabutas ang salamin ng kotse at ang bala ay tumama sa binti ng lalaki. Nakuha ang bag sa babae.
Walang pangimi ang mga holdaper na kahit sa gitna ng trapik ay isinasagawa ang panghoholdap. Iisa lamang ang ibig sabihin, kaya nilang takasan ang mga pulis. Ngayong Araw ng mga Patay, maaaring sumalakay muli ang mga holdaper at hindi namin matiyak kung lubos bang mapoprotektahan ng kapulisan ang mamamayan.
Ganyan din kabigat ang problema sa kidnapping sa bansa. Habang papalapit ang Pasko, iniulat na lalo pang tumataas ang insidente ng kidnapping. Karamihan sa mga kinikidnap ay mga mayayamang Tsinoy. Ayon sa report tumaas ang kidnapping ngayong taong ito na itinatanggi naman ng Philippine National Police. May 83 kaso na ng kidnapping ang naganap mula January hanggang Setyembre ng taong ito.
Nakadagdag sa problema na pati ang ilan sa mga bugok na miyembro ng PNP ay lumilinya na rin sa pangingidnap. Dalawang opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sinibak sa puwesto makaraang kidnapin ang dalawang negosyante na kunwariy inaresto pero hiningan ng milyong piso para makalaya.
Ang paglala ng kidnapping sa bansa ang naging dahilan kung bakit ibinalik ni President Arroyo si dating Defense Sec. Angelo Reyes at pamunuan ang Anti-Kidnapping Task Force. Ngayoy ang mga pulitikong nasa likod ng kidnapan ang tinututukan ni Reyes. Sanay madurog na ang kidnapping syndicate bago pa sumapit ang 2004 election.