Mayroong 13 transnational drug rings at 175 na local drug syndicates ang nag-ooperate sa bansa. Ang mga sindikatong ito ay nagsusuplay ng shabu sa may tinatayang 45,000 drug pushers o tulak. Ang mga "tulak" ay tinatayang may kostumer na umaabot sa 1.8 milyon at kumukunsumo ng lima hanggang 10 gramo ng shabu sa isang buwan. Nakakagimbal pero iyan ang katotohanan. Hindi lamang mga kabataan ang "bumabatak" ngayon kundi pati mga propesyunal na rin. Karaniwan nang "bumabatak" ang mga artista, basketball players, miyembro ng media, at marami pang iba.
Mula nang maupo sa puwesto si President Arroyo noong January 2001, marami nang beses siyang nagdeklara nang pakikipaglaban sa sindikato ng droga. Sa tatlong State of the Nation Address (SONA) niya, laging nababanggit ang pagdurog sa mga "salot" ng lipunan. Pero, masakit tanggapin ang katotohanan, tuloy pa rin ang paglaganap ng droga.
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi masugpo ang illegal drugs ay dahil walang ngipin sa pagpapatupad ng batas. Sa kabila na mayroong parusang bitay sa mga nagtutulak ng droga, hindi naman ito naipatutupad. Marami na ang nahatulan ng bitay dahil sa droga pero wala pang nakatitikim ng parusa.
May mga drug lord na kahit nasa kulungan ay nagagawang makalabas at makapagsugal gaya ng Chinese na si Yu Yuk Lai. Malakas ang kanyang loob dahil may nagpoprotektang pulitiko. Ang ilang drug lord na nakakulong ay nagagawang tumakas kahit sa guwardiyadong Camp Crame. Halimbawa rito si Henry Tan na nilagari ang rehas ng kanyang kulungan. May mga judge na natatapalan ng pera ng drug lord para hindi na umusad ang kaso.
Ngayon, panibagong pakikipaglaban na naman ang inilunsad ni Mrs. Arroyo. Nagbanta na naman sa mga drug traffickers at ganoon din sa mga nagpoprotektang police officials. Ayon kay Mrs. Arroyo, walang arbor-arbor at lahat nang mapatutunayang protector ay aalisin sa puwesto. Harinawang magkatotoo ito dahil ang problema sa droga ay naka-aalarma na.