"Utos sa akin nung gabing yon bumuo ng dalawang team at mag-report kay C/Supt. Jewel Canson, PNP-Metro Manila chief. Misyon daw namin i-neutralize ang KB. Nasa briefing din sina Gen. Panfilo Lacson, hepe ng PACC Task Force Habagat, Gen. Romeo Acop, hepe ng Criminal Investigation Command, at Col. Francisco Zubia, hepe ng Traffic Management Command.
"In-assign na assault team ang unit ko. Target namin ang bahay sa Superville Subd., Parañaque. Huhulihin namin ang KB suspects doon.
"Pinamunuan ko ang unang team na pumasok sa bahay at humuli sa mga naroon. Ang pangalawang team ay taga-perimeter security.
"Naisagawa namin ang misyon nang walang nanlaban ni isang okupante ng bahay. Walong lalaki ang nahuli namin, Napag-alaman ko na isa sa kanila ay dating pulis na Carlito Alap-ap.
"Pinahelera namin silang nakadapa sa loob ng bahay. Tapos, nag-take over na ang investigating team.
"Bago kami umalis, ni-report ko kina Col. Zubia at Gen. Canson, na nandoon sa lugar, na walong buhay na suspek ang nahuli namin. Bumalik na ako sa Camp Papa.
"Kinabukasan nabalitaan ko na 11 kasapi ng KB ay napatay sa umanoy shootout sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Isa sa mga patay ay si Carlito Alap-ap, na nahuli namin nung gabi. Napag-alaman ko rin na lahat ng iba pang hinuli namin nang buhay sa Superville ay kabilang sa mga napatay sa Commonwealth nung umaga ng May 18, 1995 sa shootout daw sa parehong mga police units na nasa Superville.
"Limang taon kong kinimkim ang kaalamang ito."
Lumitaw si Yu nung March 24, 2001, matapos malaglag si Erap.