Maraming bulok na opisyal

PAPAANO naman rerespetuhin at pagkakatiwalaan ang mga mambabatas kung ang mga ito ay kung anu-ano ang pinaggagagawa upang umusad lamang ang kanilang pampersonal na interes. Dahil sa nakarating sila sa makapangyarihang posisyon na kinaluluklukan nila sa pamamagitan ng pulitika, ito rin ang ginagamit nila upang proteksiyunan ang kanilang mga sarili at grupong kinabibilangan.

Ang nakasusuklam ay marami sa mga taong ito ay walang prinsipyo at halang ang kaluluwa na sa isang iglap lamang ay ipagpapalit ang sariling paninindigan sa kakaunting halaga ng salapi. Hindi ba napakalaking katarantaduhan na inilalagay ng mamamayan sa kamay ng mga taong ito ang takbo ng pamumuhay ng bawat isa sa atin at ang kapalaran ng ating bansa? Hindi ba nakikita ng mga Pilipino ang masamang kalagayang ito?

Ito ang talagang nakapagtataka sa mga Pilipino. Alam nang ganito ang nangyayari sa atin at sa ating bansa subalit wala tayong ginagawa upang mabago ang kalagayang ito. Malamang ay talagang dumating na sa sukdulan ang galit ko sa mga hinayupak na mga pulitiko na dapat sana ay tinatawag nating mga lingkod-bayan ngunit ang lumalabas ay tayong mga mamamayan ang susunud-sunod at nagmamakaawang humihingi ng tulong at pang-unawa. Baligtad di po ba?

Tingnan na lang ninyo halimbawa ang nangyayari ngayon. Ang tinitira nila at gustong patalsikin ay si Chief Justice Hilario Davide na nirerespeto at pinagtitiwalaan ng taumbayan. Ang mga nasa likod nito ay pulutong ng mga pulitiko na gustong buweltahan ang pinagpipitaganang chief justice. Ang ilan naman nating mga senador ay wala nang ginawa kundi ang mamilit ng mga gusto nilang ikandidato upang marahil ay mabalik na naman sa kanila ang kapangyarihan. Mga kabayan, papayagan ba nating mangyari ito?

Show comments