Kaya kung itong sumemplang na jueteng campaign ni Lina ang gagawing basehan, hindi rin uusad sa drug-free ang bansa natin tulad ng ipinangako niya, at tiyak din na kung sinu-sino na naman ang sisisihin ni Lina kapag nabulilyaso ang mga pagyayabang niya tulad sa jueteng isyu nga. Kawawang kapulisan. Malimit sila ang punching bag ni Lina para lang maiahon niya ang bumababang popularity niya. At bat naman natin iboboto itong si Lina kapag natuloy ang plano niyang tumakbo sa Senado eh panay kasinungalingan lang ang gagawin niya roon, anang Manilas Finest na nakausap natin. May katwiran sila rito, di ba mga suki?
Kung sabagay, paano magiging drug-free ang bansa natin kung itong AID-SOTF na pinangungunahan ni Dep. Dir. Gen. Edgar Aglipay ay demoralisado dahil sa harassment na tinatanggap nila? Imbes kasi na imbestigahan kung paano nakapag-operate ang mga drug syndicates sa bansa, ang ginawa ng PNP natin sa initiative ni Dir. Eduardo Matillano ng CIDG ay sila ang binalingan dahil sa bintang na itinago nila ang 50 kilos ng shabu sa drug laboratory sa Tanza, Cavite. Hearsay naman ang bintang pero pursigido si Matillano na iligwak ang mga taga-AID-SOTF. Parang mga kaso ba ni Matillano laban kay Sen. Ping Lacson na panay hangin at walang elemento pero pinipilit na niya. He-he-he!