Nakakahiya ang pangyayaring ito na walang ibang dapat sisihin kundi ang mga namumuno sa PNP. Responsibilidad ni PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr. ang mga aksiyon ng kanyang mga tauhan. Si Bungkak na nakakulong sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay inilabas sa kanyang selda para mag-sun bath. Gaano kaluwag ang pagbabantay sa taong ito na nakapang-agaw ng baril? Mapanganib ang taong ito na sangkot sa pambobomba sa shopping malls sa Zamboanga City noong Oct. 17, 2002 na ikinamatay ng anim katao at mahigit 100 ang nasugatan. Hindi ba dapat ay nakaposas ang mga ganitong bilanggo at may dalawang guwardiya o higit pa?
Masyadong naging tiwala ang mga pulis na nagbabantay kay Bungkak. Sa isang report, sinabi na kaya napasa-kamay ni Bungkak ang M-16 ay sapagkat pinalilinisan umano ito sa kanya ng pulis na nagbabantay sa kanya. Marami raw mga detainees ang nailalabas sa selda para mag-ehersisyo na hindi na nakaposas. Ang ganito bang mga tanawin ay alam ni Ebdane o ng hepe ng CIDG na si Director Eduardo Matillano?
Ilan sa mga kontrobersiyang nangyari sa Crame ay ang pagtakas ni Al-Ghozi at dalawang Abu Sayyaf noong July 14, 2003. Hanggang ngayon hindi pa nadadakip si Al-Ghozi. Noong nakaraang taon, nakatakas din sa Crame ang rebeldeng si Faisal Marohombsar, at ang drug lord na si Henry Tan. Marami pang nakatakas na hanggang ngayon ay hindi pa nadadakip ng PNP.
Ang aksiyon ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa PNP ay kailangan na sa pagkakataong ito. Nakita na ang palatandaan kung sisibakin ba o hindi ang namumuno sa PNP. Sobra na ang nangyayaring ito. Nakahihiya na! Hindi na dapat madagdagan pa ang putik na nakakulapol sa PNP.