Napag-alaman natin sa Camp Crame na naunang isalang ang promotions nina Chief Supts. Rolando Garcia ng Directorate for Investigation at Roberto Delfin ng PRO 7, subalit naunang umusad ang papeles ni Galang na inihabol lang sa Napolcom nitong nagdaang mga araw. Si Galang ay na-promote noong September 5 samantalang sina Garcia at Delfin ay apat na araw na makalipas. Parang may gustong i-establish ang Palasyo at yon nga ay ang seniority status ni Galang, he-he-he! Tiyak may magandang hinaharap si Galang habang nasa puwesto si GMA, di ba mga suki?
Si Galang na kaya ang matawag nating alternative ng Palasyo na mamuno sa PNP kapag mapilitan silang i-retire si PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr.? Yan ang katanungang umiikot sa ngayon sa Camp Crame. Pilit kasing minamaniobra ng Kapampangan connection sa Palasyo na maiupo si Galang para pangalanganan ang kandidatura ni GMA kapag isinulong niya ang balak na tumakbo sa darating na 2004 May elections. Kaya may katwiran ang mga alipores ni Galang na magdiwang, lalo na yong mga tong collectors na bitbit nya, habang kumakalat ang balita na papasok siya na hepe ng NCRPO kapalit ni Dep. Dir. Gen. Reynaldo Velasco. Buhay na naman ang mga hasang nila lalo na sina Eddie Manalastas at Boy Pineda, he-he-he! Ano ba yan?
Ayon sa mga pulis sa Camp Crame, doon na sa NCRPO makukuha ni Galang ang kanyang pangatlong star bago siya tuluyang pumalit kay Ebdane nga. Kung tutuusin hindi si Galang ang pinaka-senior sa PNP natin kundi si Velasco, at mga kaklaseng sina Dep. Dir. Gen. Edgar Aglipay at Virtus Gil. Kung susundin ang seniority system, tulad ng pinapairal ni GMA sa military, si Velasco na ang susunod na uupo bilang PNP chief nga at kasunod sina Aglipay at Gil. Pero may allergy ang Palasyo sa tatlong mga miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 71 kayat pilit nilang pinapahinog si Galang bilang alternatibo nga. Ang kasalanan lang ng tatlo ay naging kaklase nila sina Sens. Ping Lacson at Gringo Honasan na hanggang sa ngayon ay pilit na ginigiba ang gobyerno ni GMA.
Para malampasan sina Velasco, Aglipay at Gil, dito ipipilit ng Palasyo ang pag-upo ng kababayan ni GMA na si Galang. Kapag si Galang ang naupong PNP chief, paano niya mauutusan sina Velasco, Aglipay at Gil? Ang gulo talaga nitong PNP natin, no mga suki? At malinaw pa sa isipan ng mga pulis na nakausap ko ang kaso noon ni Lacson na pinili ni dating Presidente Joseph Estrada, kahit hindi siya ang nangunguna sa seniority list. Nagkaroon ng malawakang demoralisasyon at nagulat na lamang si Erap nang ang mga nilampasan ni Lacson ang naunang mag-aklas laban sa kanya noong EDSA 2. Mangyayari rin kaya ito sa liderato ni GMA? Abangan.