Isang araw, itinali ni Mr. Lozano ang Dalmatian sa isang puno. Samantala, naglaro ng touch-ball sa kalye ang anak kong si Tom, 6 years old kasama ang mga kaklase nya. Gumulong ang bola at huminto ito sa tapat ng Dalmatian.
Inakala po ng aking anak na mabait ang Dalmatian dahil di naman daw ito kumakahol. Dahan-dahan nyang kinuha ang bola. Nang bigla siyang dambahin nito at kinagat. Natanggal pala ang tali.
Agad ko pong pinuntahan si Mr. Lozano. Ngunit sinisi pa nya ang aking anak. Kung hindi raw ito lumapit sa Dalmatian, hindi daw ito makakagat. Ikinatuwiran ko naman na kung hindi natanggal ang tali ng Dalmatian, hindi sana nakagat ang aking anak.
Tama bang panagutin ko si Mr. Lozano? Victor Bunyi, Batangas City
Dapat managot si Mr. Lozano sa nangyari sa iyong anak. Ayon sa Article 2193 ng New Civil Code: "The possessor of an animal or whoever may make use of the same is responsible for the damage which it may cause, although it may escape or be lost. This responsibility shall cease only in case the damage should come from force majeure or from the fault of the person who has suffered the damage."
Hindi tama ang katwiran ni Mr. Lozano na kung hindi nilapitan ng bata ang aso ay hindi ito makakagat. Bilang nag-aalaga ng aso na iyon, responsibilidad niya na siguruhin na hindi ito makakasakit ng ibang tao. Hindi dapat itinali ni Mr. Lozano ang aso sa labas dahil nga sa maaari itong makakagat kung ito ay lalapitan mas lalo na ng mga bata.
Kahit halimbawang hindi pa nakatali at nasa loob ng bakuran ni Mr. Lozano ang aso at nakawala lamang ito sa labas, may pananagutan pa rin sya dahil responsibilidad nyang siguruhin na hindi makakawala ang kanyang aso dahil maari itong makakagat ng iba.
Gayundin, kahit halimbawang hindi kanya at ipinabantay lamang kay Mr. Lozano ang aso, may pananagutan pa rin sya. Ayon sa batas, hindi kailangang ikaw ang may-ari ng hayop na nakapinsala upang maging liable ka. Sapat na sa batas na may possession o nasa yong pangangalaga ang aso upang ikaw ay panagutin sa damages na sinapit ng nakagat ng aso.