Kulang ang pondo sa banko

SI Ester ay negosyante. Upang matustusan ang patuloy na operasyon ng kanyang negosyo, madalas siyang umutang ng pera kay Thelma. Minsan, hiniling ni Thelma sa kanya na mag-isyu ng apat na tseke na may kabuuang halaga na P188,400 para sa buwan ng Setyembre hanggang Disyembre 1988 bilang kundisyon. Pumayag si Ester subalit nang ideposito na ito ni Thelma, tumalbog ang mga tseke.

Inabisuhan ni Thelma si Ester at binalaan na kapag hindi nito pinalitan ng cash ang mga tumalbog na tseke, sasampahan niya ito ng kaso. Hindi nakabayad si Ester kaya, napilitan si Thelma na magsampa ng apat na kaso ng paglabag sa BP 22.

Sa mababang hukuman, nahatulan si Ester ng isang taong pagkakakulong sa bawat kaso at naatasan na magbayad ng P47,000 bawat isa. Kinumpirma ito ng Court of Appeals.

Sa Supreme Court, iginiit ni Ester na wala siyang naging paglabag sa Bouncing Checks Law o BP 22 dahil wala naman siyang ibinigay na konsiderasyon sa inisyung tseke bagkus isa lamang daw itong kundisyon para siya ay mapautang ng pera. Tama ba si Ester?

MALI.
Hindi mahalaga ang naging dahilan sa pag-isyu ng tseke upang matiyak ang kriminal na pananagutan ni Ester. Ang tsekeng inisyu niya bilang ebidensya ng kanyang utang ay nasasaklaw ng BP 22. Nilalayon ng BP 22 na patatagin ang halaga ng tseke sa komersyo bilang kapalit ng pera. Nilabag ni Ester ang BP 22. Subalit, kailangang baguhin ang naging parusa sa kanya ng mababang Korte, sa halip na isang taong pagkakakulong, kailangan lamang niyang magbayad ng P94,200 sa bawat kaso (Meriz vs. People G.R. 134498 November 13, 2001).

Show comments