Kapag hindi binilisan ni Sen. Panfilo Lacson ang kanyang ibinunyag na money laundering at mga illegal activities ni First Gentleman Mike Arroyo, ang kasong ito ang tatalakayin na lamang hanggang sa 2004. Wala nang magagawa ang mga senador kundi magkampu-kampo at magtalu-talo. Sila-sila ang magbabanggaan habang ang taumbayan ay nag-aalburuto ang bituka sa kadahupan ng buhay.
Kung sadyang ang hangarin ni Lacson ay madurog ang katiwalian sa bansang ito, hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa sa paglalabas ng ebidensiya. Ang nangyayari, unti-unti na para bang sinususpense ang taumbayan. Kung sadyang nakagawa ng kasalanan ang kanyang inaakusahan, ilantad na lahat at nang matapos na. Magdusa ang mga nakagawa ng kasalanan. Ang taumbayan ay nagsasawa na sa katiwalian at malaking kaginhawahan kung makadadakip ng kawatan. Kung ang hangad lamang ay pampulitika, kawawa naman ang taumbayan.
May 30 mahahalagang batas na dapat atupagin ang mga senador subalit ni isa sa mga ito ay hindi man lamang nila napag-uusapan. Bago pinasabog ni Lacson ang "bomba" kay First Gentleman Mike Arroyo noong August 18, naokupahan na ng mga sundalong nag-mutiny noong July 27 ang oras sa Senado. Ito ang tinatalakay at kasabay ng imbestigasyon, biglang nawala si Sen. Gregorio Honasan na umanoy kasangkot sa Oakwood mutiny. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa lumilitaw si Honasan. Maitatanong kung ano pa ang nagagawa niya sa taumbayan.
Wala pang nagagawa ang Senado at taumbayan ang dehado. Sa September 13 ay magre-recess sila at babalik ng October. Ilang linggo lamang ay break uli para sa paggunita ng All Saints Day, at kasunod ay ang mahabang bakasyon para sa Pasko. Pagbalik nila, ang pangangampanya naman para sa 2004 elections.
Ang taumbayan ang talo.