Tumalbog na tseke

KUMUHA si Nilda ng ilang gift checks na hulugan kay Cherry. Nag-isyu siya ng 15 postdated checks ng kanyang banko bilang bayad sa buwan ng Pebrero hanggang Mayo. Maayos sa una ang pagpapalit ng tseke ngunit dumating ang panahong nagipit si Nilda kung kaya’t naatrasado ang paglalagay niya ng pera sa bangko. Kaya nang iprisinta ang tseke para i-deposito o mapalitan ng cash, tumalbog ito sa dahilang, ‘‘account closed.’’

Ayon kay Cherry, personal niyang hiniling kay Nilda na bayaran nito ang halaga ng tsekeng tumalbog. Kumuha na rin siya ng ilang abogado upang magpadala kay Nilda ng demand letters. Sa Korte dalawa sa mga sulat ni Cherry ang minarkahan bilang ebidensiya. Subalit hindi napatunayang natanggap ito ni Nilda dahil walang naipakitang resibo o return card man lamang. Dagdag pa rito ang pagtanggi ni Nilda na natanggap niya ang mga ito.

Ayon pa kay Nilda dahil nagkulang ang panig ng prosecution na patunayang naabisuhan siya nang tumalbog ang kanyang tseke, wala raw siyang paglabag sa Bouncing Checks Law o BP Blg. 22. Tama ba si Nilda?

Tama si Nilda. Ang kakulangan ng patunay na nakatanggap siya ng notice of dishonor na magbibigay sana sa kanya ng five banking days upang makipag-ayos sa banko at mabayaran ang tumalbog na tseke ay naging taliwas sa ipinalalagay ng batas laban sa kanya na noong mag-isyu siya ng tseke, alam niya na hindi sapat ang kanyang pondo sa banko. Kaya nasa panig na ngayon ng naghahabla ang tungkuling patunayan ang ipinalalagay ng batas laban kay Nilda.

Samantala, kahit na personal na sinabihan ni Cherry si Nilda na bayaran ang tseke, hindi nabanggit kung kailan niya ito ginawa, bago o matapos tumalbog ang tseke. Hindi rin napatunayang natanggap ni Nilda ang mga sulat. Importante kasing mabigyan ng abiso ang nag-isyu ng tseke kapag tumalbog ito upang mabigyan siya ng pagkakataong mabayaran ito bago pa man siya makasuhan.

Subalit kahit na napawalang sala si Nilda sa kaso, may obligasyon pa rin siya sa mga naging transaksyon nila ni Cherry lalo na’t inamin niyang nag-isyu siya ng mga tseke dito. (Cara vs. Court of Appeals G.R. 129900 October 2, 2001).

Show comments