Walang takot kung humataw sa Arroyo administration si Trillanes. Kahit sa public television, walang gatol niyang tinawag si Presidente Arroyo na "arogante." Napikon ang Pangulo sa kanya. Sa tingin koy nag-iipon ng "bala" ang administrasyon upang ilantad ang "bulok" ni Trillanes. Binansagan na siya ng Malacañang na "so young and yet so corrupt" dahil sa napabalitang nagma-may-ari ito ng maraming luxury vehicles gayong halos beinte mil pesos lang ang suweldo niya isang buwan. Tinuligsa siya ng Palasyo dahil inamin sa Senado na hindi siya nagharap ng statement of assets ang liabilities. Plano pa nga siyang kasuhan ng graft dahil diyan.
Sa tingin koy hindi mayaman ang angkan ni Trillanes. Ang yumaong ama niya ay dating mataas na opisyal sa militar. Ang ina niyang si Estrellita ay negosyanteng nagsu-supply ng gamot sa AFP. Dumating ang puntong nagipit si Mrs. Trillanes. Hindi siya maka-kolekta sa AFP. Isang kaibigan ni Mrs. Trillanes na kapitbahay namin ang nagpakilala sa kanya sa nanay ko para pautangin ng P200,000. Bagong kasal noon si Lt. SG Trillanes nang magpunta sa amin ang kanyang nanay kasama ang kaibigan niyang kapitbahay namin.
Sapul nang yumao ang tatay ko, ang kaunting retirement pay niya ay ipinuhunan ng nanay ko sa financing. Pero dahil siyay matanda na (mahigit sa otsenta anyos), tumigil na siya sa ganyang hanapbuhay. Ngunit sa pakiusap ng kanyang kaibigan ay nagpaunlak ang nanay ko. Gipit na gipit talaga si Mrs. Trillanes. Matagal bago siya nakapagbayad. Katunayan, nagkademandahan pa sa korte. Umiyak pa nga sa misis ko si Mrs. Trillanes at ipinakita ang listahan ng pautang na hindi niya masingil-singil. Sinabi pa niya sa misis ko na gusto na niyang magpakamatay. Awa ng Diyos, nakapagbayad siya sa aking ina.
Nakakawindang ng puso ang kalagayan ng dakilang ina ni Lt. SG Trillanes.