Paigtingin ang lifestyle check lalo na sa mga kawanihan ng Aduana at Rentas Internas, dalawang sangay ng pamahalaan na naiulat na talamak ang graft and corruption.
Sinabi ni Customs Commissioner Antonio Bernardo na marami pa ring empleyado sa Customs ang sasailalim sa lifestyle check. Kamakailan ay ilang kawani kabilang ang warehouse chief na si Manuel Valencia ay sinampahan ng kasong katiwalian.
Isang retiradong opisyal ng BIR ang kasabay na nakasuhan ng mga assistant commissioners na sina Edwin Abella at Pascual Salazar na ayon kay BIR Commissioner Guillermo Parayno ay sampol lang sa lifestyle check na ipinatutupad sa naturang bureau. Lima pang opisyal ang kakasuhan sa mga katiwalian kabilang ang pagpapayaman sa panunungkulan. Napag-alaman na 50 pa buhat sa BIR ang kinasuhan na sa Ombudsman.
Sinabi ni President Arroyo na inutusan niya si Finance Sec. Isidro Camacho na kaagad na sampahan ng kaso ang mga empleyado na lumalabag sa anti-graft practices act. Sinabi niya na hindi makatarungan na ang buwis ng mga mamamayan ay mapunta lamang sa bulsa ng mga tiwaling taong gobyerno. Sinabi rin ng presidente na ang kampanya laban sa mga corrupt government men ay singlawak at singtibay ng kampanya laban sa droga at terorismo.
Hindi lamang mga taga-BIR at customs ang dapat na masampolan. Basta kung may alam kayong mga tiwaling taong gobyerno, mga kapitbahay ninyo na nagpayaman sa pamamagitan ng kaban ng bayan ay isumbong ninyo. Tumawag sa 4041774 hanggang 76 at i-text sa 0916-2178007.