Matindi ang ebidensiya laban sa tatlo. Di lalampas sa P25,000 ang buwanang suweldo, pero milyun-milyon ang deklaradong ari-arian. At meron pang nakatagong lupain, kompanya at dose-dosenang luxury cars. Alam ng mga taga-BIR na sa Korte lang puwedeng kontrahin ang ebidensiya, hindi sa media. Pero nagnganga-ngawngaw sila sa radyot TV na inaapi lang daw ng Malacañang ang tatlo. "Sino ang susunod, kami na?" tanong pa ng isang nagpa-video.
Malamang nga, kung hindi sila tumabi-tabi, sila na ang tatamaan. At dapat lang. Matagal nang sinasabi ng mga dalubhasa na mahigit P20 bilyon ang nawawalang koleksiyong-buwis taon-taon dahil sa pagluluto ng BIR sa examinations at assessments. Matagal nang sumisigaw ng pagbabago ang mamamayan, para magamit ang pera sa pagpuksa ng kahirapan. Kaya huwag sana hahara-hara ang mga taga-BIR sa reporma.
Sa wakas, nagkalakas-loob ang Kongreso na baguhin ang palakad. Bubuwagin ang BIR. Papalitan ng mala-pribadong ahensiya kung saan mabilis na sisibakin ang marumit mahina. Susuriin bawat empleyado ng BIR. Ang mga malinis at mahusay lang ang record ang ililipat sa bagong ahensiya. Ang mga bulok, goodbye.
Meron bang masama sa plano? Wala. Kasi ang hindi matatanggap sa bagong ahensiya, bibigyan pa ng malaking separation pay para wala nang masabi na inapi. Suwerte nga sila. Bad record na, big bonus pa.
Kung may humadlang pa sa plano, ito ang mga natatakot maputol ang milyun-milyon-pisong raket sa BIR. Kung may umaangal sa pagkaso sa tatlong kasamahan, ito ang mga kasabwat. Ilista dapat ang pangalan nila. Alam na ngayon pa lang kung sino ang dapat tigpasin sa BIR.