Kunsintidor si Bulaong at Atienza kung pasugalan ang pag-uusapan

NAGMISTULANG war zone ang kanto ng West Vigan at Domingo Santiago St., noong nakaraang linggo dahil sa sobrang dami ng pulis. Pero kuwidaw kayo mga suki, hindi sila nagpunta doon para hulihin ang pa-bookies ng isang Jun Puroy kundi para bantayan ito. Nag-aantay ang mga pulis kung sino sa mga kabaro nila ang mangahas na salakayin ang puwesto ni Jun Puroy na sa hurisdiksyon naman ni Supt. Manolo Martinez, ang hepe ng Station 4 ng Manila police. Ganyan na ba kagarapal ang mga pulis natin sa ngayon sa ilalim ng liderato ni Manila Mayor Lito Atienza?

Kung itong inasal ng mga tauhan ni Martinez ang gagawing basehan, hindi tayo magtataka kung tawaging ‘‘gambling city’’ na ang Maynila. Kahit kaliwa’t kanan na ang pagbubulgar natin sa mga video-karera ni Buboy Go at pa-bookies ni Oscar Simbulan alyas Boy Abang pero hindi man lamang kumilos si Mayor Atienza nga at ang hepe ng pulisya na si Chief Supt. Pedro Bulaong. Kayo na mga suki ang maghusga sa kanila. He-he-he! Dito pala sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Arroyo eh pakapalan ng mukha lang ang kapital. Basta me umaakyat sa bulsa, di baleng mabingi na sa batikos ang mga opisyales ng gobyerno natin.

Pero mautak talaga si Martinez. Nakarating sa akin na ni-raid ng mga tauhan ni Martinez ang puwesto ni Jun Puroy noong Huwebes para may maipakita siyang accomplishment kapag sinita siya ng mga superiors niya. Delantera kasi itong pa-bookies ni Jun Puroy. Subalit kinabukasan, bukas na naman ang puwesto ni Jun Puroy. Nagkaayusan lang. He-he-he! Nanaig na naman ang kinang ng pera at nakalimutan na ng mga tauhan ni Martinez ang sinumpaang trabaho nila.

Maliban kay Jun Puroy ang mga pa-bookies pa diyan sa trono ni chairman Edgardo Moreno ay sina Boyet Start sa 721 Domingo Santiago St.; Allan Nicdao sa 633-G Domingo Santiago St.; Caloy Capin sa 3420 West Vigan; Agaton Lacap sa 887 Leo St. sa Balic-Balic, Sampaloc; Carlito Due sa 1908 Mindanao Ave., Sampaloc; Tess Ballesteros sa 3390 West Vigan; Manuel Nicolas sa 3409 West Vigan; Nestor Pamero sa 799-M Mindanao Ave., Sampaloc at Rossana Pastrana sa 837 Mindanao Ext. sa Balic-Balic, Sampaloc. He-he-he! Noong mga nakalipas na panahon kapag ibinulgar mo ang mga ilegal diyan sa Maynila ang pakiusap ng mga pulis natin ay isama ang mga eksaktong lugar para matunton nila ang mga puwesto. Eh ano pa kaya ang hinihintay ni Bulaong? Baka naduling na siya sa sobrang daming problema niya sa walang habas na pangongotong ng mga tauhan niya? Taong ng mga nakausap kong Manila’s Finest.

Bunga sa pagbubulgar natin ng pasugalan diyan sa kaharian ni chairman Moreno, aba nag-joint forces pala ang mga siga at mga ilegalista diyan para alamin kung sino ang source natin. Si Ruben Cunanan na may pa-jueteng diyan ang namumuno sa kanila. Sa unang round ng laban, mukhang nanalo sila. Kung natiyope ang Task Force Jericho ni Interior Secretary Joey Lina sa inyo nitong nagdaang mga araw, naniniwala akong makatagpo rin kayo ng katapat. At sigurado akong hindi mga tauhan ni Bulaong ang makakasagupa n’yo. Kunsintidor kasi si Bulaong at Mayor Atienza kung pasugalan sa Maynila ang pag-uusapan.

Show comments