Sunud-sunod ang pagbisitang ginagawa ni Mrs. Arroyo sa mga shabu lab. Noong Sabado, sumugod si Mrs. Arroyo sa Silang, Cavite at nakita niya kung gaano ka-sophisticated ang mga makinaryang pangluto ng shabu. Ang shabu lab ay nasa isang single-story three-room house na matatagpuan sa boundary ng Silang at Tagaytay City. Nagkaroon ng explosion sa nasabing bahay at kasunod ay ang masansang na amoy at naging dahilan para madiskubre ang laboratoryo ng mga pulis. Isang Chinese national na nagngangalang Wilson Li ang umuupa sa bahay. Tatlo pang kasamahan ni Li ang naaresto sa raid.
Ang nakagigimbal pa, natagpuan sa shabu lab ang calling card ng dalawang police officials at mga konsehal. Pagpapatunay na protektado ang mga Chinese. Ang isa sa mga police officials ay may ranggong superentindent samantalang ang isa pa ay inspector. Nakasaad sa card na "bigyan ng assistance ang bearer ng card". Hindi muna ibinulgar ng mga awtoridad ang pangalan ng dalawang police officials.
Anim na oras ang nakaraan makaraang lusubin ang Silang shabu lab, isa pang laboratoryo ang ni-raid sa 277 Impex Compound, Real St. Talon, Las Piñas City. Ang bahay ay pag-aari rin ng isang Intsik. Ininspeksiyon din ni Mrs. Arroyo ang laboratoryo.
Pulis ang nagri-raid at kakatwang pulis din pala ang nagpoprotekta. Paano mawawala ang problema sa droga? Kung naging mabuti man ang pulis at walang sinasantong trafficker, ang huwes na corrupt naman ang magpapalaya. Katulad ng isang judge sa Pasig na pinagpiyansa ang isang big time drug trafficker. May pagkakataong kahit nakakulong na sa Crame ang drug trafficker ay nakatatakas pa kakutsaba ang mga guwardiya. Hanggang sa kasalukuyan ang dalawang Chinese na tumakas sa Crame may ilang buwan na ang nakararaan ay hindi pa nadarakip. Unahing "hubaran" ang mga corrupt na pulis at hukom.