Dalawang buwan na lang ang nalalabi at mahirap mapaniwalaan kung sa loob ng panahong iyan ay may mangyayaring maganda para sa tuluyang ikadudurog ng problema sa droga. Hindi biro ang problema sa droga na kahit ang mga pangkaraniwang trike driver ay gumagamit at nagiging halimaw. Sa mga liblib na barangay na hindi pa naaabot ng koryente ay nakakalat na ang shabu at ang mga krimen na tulad ng panggagahasa, pagpatay at pagnanakaw ay talamak na. Hindi lamang kabataan ang saklot ng shabu, pati mga propesyunal, artista, basketball players, pulis at mga miyembro ng media ay gumagamit nito.
Wala pang palatandaan na maigugupo ng administrasyon ang sindikato. Kamakalawa, sinabi ni Lina na sa lalong madaling panahon ay ilalathala na nila ang mga pangalan ng mga drug lords. Si Lina na chairman din ng Dangerous Drugs Board (DDB) ay nagpahayag na sa sandaling makumpleto na nila ang mga karagdagang impormasyon sa mga drug lords ay ihahayag sa publiko ang kanilang mga pangalan.
Maganda ang balak na ito ni Lina subalit mas maganda kung aaarestuhin na nila ang mga ito kaysa unahin ang pagsasapubliko ng kanilang mga pangalan. Kung ipupubliko baka makagawa pa ng paraan ang mga salot na makapuslit sa bansa. Gaano karami ang kanilang kakutsaba sa mga ahensiya ng pamahalaan at sa mga pulis. Kung kilala na nila at kumpleto ang ebidensiya, dakpin na at gilingin sa Korte. Bitayin para makapagbigay babala sa drug traffickers.
Dalawang buwan na lamang ang nalalabi sa taning na ibinigay ng pamahalaan at kung hindi magkakaroon ng dibdibang pagharap sa problemang ito, wala ring kahahantungan. Pawang pakitang-tao lamang.